Caravan

Mahigit 3,000 Manileno nakiisa sa People’s Caravan ng NHA

Jun I Legaspi May 25, 2025
96 Views

MAHIGIT 3,000 Manileño na naninirahan sa Old Sta. Mesa Zip Project at iba pang karatig-komunidad ang nakiisa kamakailan lang sa ginanap na National Housing Authority (NHA)’s People’s Caravan sa Pamana Multipurpose Building, Brgy. 598, Zone 59, Sta. Mesa, Maynila.

Isang inisyatiba ni NHA General Manager Joeben A. Tai, ang People’s Caravan: “Serbisyong Dala ay Pag-Asa” ay naglalayong pagsama-samahin ang mga pampubliko at pribadong ahensya upang mailapit ang iba’t ibang mga programa sa mga resettlement sites ng NHA.

Sa patnubay ni GM Tai, pinangunahan ni NHA Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang programa, kasama ang buong suporta ng iba pang opisyal tulad nina NHA NCR-West Sector Office (WSO) Officer-in-Charge (OIC) Engr. Wenson O. Reyes, NHA NCR-WSO San Juan/Mandaluyong District Office Officer-in-Charge Atty. Eleonor A. Balatbat, NHA Community Support Services Department (CCSD) OIC, G. Donhill V. Alcain, RSW, Barangay Captain Paulito V. Linis, at iba pa mula sa lokal na pamahalaan.

Naghandog ang aabot sa 20 government at private institutions ng kanilang mga serbisyo, tulad ng basic registration at clearance services mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), PAG-IBIG Fund, PhilHealth, at City Civil Registry Office.

Nag-alok din ang caravan ng medical at dental mission, maging ang pagbibigay ng libreng eye check-up, gupit, at pamamahagi ng gamot/bitamina na handog ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Manila Health Department, at Mission to Serve Optical.

Nagkaroon din ng pagbebenta ng mura at sariwang agri-commodities at pamamahagi ng mga libreng binhi at punla sa tulong ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng mga KADIWA stores, habang ang Department of Social and Welfare Development (DSWD) NCR ay nagbigay ng food packs para sa mga lumahok.

Sinamantala rin ng mga benepisyaryo ang pagkakataong matutong magnegosyo at makahanap ng trabaho dahil nagkaroon ng job fair ang Public Employment Service Office (PESO)-Department of Labor and Employment (DOLE), gayundin ang information drive para sa mga libre at malapit na scholarship grants na may kasamang skills training development na nakatuon sa dishwashing liquid making, food processing, massage at make-up na inihandog ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Kasama rin sa iba pang serbisyo ang libreng legal consultation at notary service mula sa Public Attorney’s Office – Manila; Youth, ALS, at voter’s education mula sa Manila City-Youth Development Welfare Bureau; at libreng Wi-Fi coverage with introduction ng eGov Superapp at PNPKI Digital Certificate ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Sa kasalukuyan, ang People’s Caravan ay nakapagsilbi na sa kabuuang 50,000 beneficiary-families mula sa 11 resettlement sites sa loob lamang ng taong ito, na isang patunay sa commitment ng NHA na bumuo ng mga komunidad tungo sa Bagong Pilipinas.