Calendar
Mahigit 50 kongresista sumama sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa CDO
MAHIGIT 50 kongresista ang dumalo sa paglulungsad ng dalawang araw na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Cagayan de Oro City.
Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paglulungsad ng BPSF sa CDO sa tulong ng local host na si Cagayan De Oro 1st District Rep. Lordan G. Suan.
“Sa totoo lang, biglaan po ang ating BPSF dito sa Cagayan de Oro. Kaya nakakatuwa pa rin na mayroong mahigit sa 50 na congressman at congresswoman na pumunta dito. Dito natin nakikita at nararamdaman ang suporta ng mga mambabatas sa programa ni Pangulong Marcos Jr.,” ani Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kintawan.
“Dito sa BPSF, personal nating nakikita ang bunga ng ating mga ginagawang batas, kasama na ang mga programang pang-ayusa sa ating mga mamamayan. Kung dati ay nakikita lang natin ito sa papel, ngayon ay nasasaksihan natin kung paano talaga ito nakakatulong sa mga mamamayan,” dagdag pa nito.
Ayon kay House Deputy Secretary Sofonias Gabonada, Jr. isa sa opisyal na naglatag ng BPSF at mga kasabay nitong aktibidad, umabot sa 53 kongresista ang dumalo sa pagtitipon.
Bago ito, umabot sa 85 kongresista ang dumalo sa BPSF sa Zamboanga City.
“The solidarity we see among lawmakers is the same solidarity we show in pushing for the legislative agenda of the President. Ito ang tunay na unity: pagkakaisa para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” saad pa ni Speaker Romualdez.
Ang BPSF sa CDO ang ika-17 serbisyo caravan na planong dalhin ng gobyerno sa 82 probinsya ng bansa.
Kasama sa mga nakilahok sa CDO sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Jr., Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez, at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.
Naroon din sina Cagayan De Oro 2ndDistrict Rep. Rufus B. Rodriguez, Misamis Oriental Reps. Christian Unabia (1st District) and Rep. Yevgeny Emano (2nd District), Bukidnon Reps. Jonathan Keith Flores (2nd District) at Laarni Lavin Roque (4th District), at Camiguin Lone District Rep. Jurdin Romualdo.
Dumalo rin sina Misamis Oriental Gov. Peter M. Unabia, Camiguin Gov. Xavier Jesus D. Romualdo, Davao del Norte Gov. Rogelio Neil P. Roque at Gingoog Mayor Klarex A. Uy.
“Sana sa mga susunod pa nating BPSF sa Tawi-Tawi at sa Davao del Norte ay mas marami pang makadalaw na mambabatas. Salamat at dahil sa inyo ay nagiging matagumpay ang ating service caravan,” dagdag pa ni Romualdez.