Barbers

Makabagong Makapili, trolls, vloggers tinira ni Barbers

51 Views

BINATIKOS ng isang lider ng Kamara mula sa Mindanao ang tinatawag na “Makabagong Makapili” — mga Pinoy at Tsinoy kasama ang kanilang mga bayarang trolls at vloggers na nagpapakalat ng pro-China na propaganda.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, pinuno ng quad committee ng Kamara at chair ng dangerous drugs panel, ang mga taong ito ay tahasang nagtatanggol at sumusuporta sa mga hakbang, panlilinlang at pag-angkin ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Ipinahayag ni Barbers ang kanyang pagkadismaya na may mga kababayang nawalan na ng pagmamahal sa bayan kapalit ng pera.

“Sila ang nagpapalaganap ng mga maling impormasyon laban sa sarili nating bayan. Mariin nilang sinasabi na tama ang Tsina sa pag-angkin ng mga teritoryo natin at dapat daw makipag-dayalog tayo upang malutas ng mahinahon ang sigalot na ito,” pahayag ni Barbers.

“Hindi ba nila nakita o nalaman ang ilang beses na pakikipag-usap natin sa mga lider ng Tsina? Ano na ang kanilang naging tugon? Iisa lamang–amin ang buong karagatan (sa WPS), pati ang buong Pilipinas, amin,” dagdag pa niya.

Sa kaniyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara, sinabi ni Barbers na nagtakda rin ang China ng precondition na itapon ng Pilipinas ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang desisyon ng Hague-based International Arbitral Tribunal (IAT) na pumabor sa Pilipinas, bago sila makipag-usap.

“Sinabi pa nga nila kaya South China Sea ang tawag doon ay patunay na pag-aari nila ‘yun. Nakakatawa sapagkat mga Portuguese ang nagtawag dito na South China Sea, na noo’y tinatawag na Champa Sea, named after the Austronesian Kingdom of Central Vietnam,” ani Barbers.

Idiniin ni Barbers na ang desisyon ng UNCLOS at International Arbitral Tribunal ay maliwanag na nagsasabing walang basehang legal ang inaangking historic rights ng China sa WPS.

“This, despite the ‘clear as the morning sun’ ruling of UNCLOS and IAT that China’s claim of historic rights to resources in areas falling within its invisible demarcation line (in the West Philippine Sea) ‘had no basis in law and is without legal effect’,” aniya pa.

“At kung historical rights ang basehan ng China sa WPS, dapat pag-aari ng Mongolia ang buong Tsina sapagkat nasakop nila ‘yan noong Yuan Dynasty sa pamumuno ni Mongolian Emperor Kublai Khan. Gayundin ang Pilipinas na aangkinin ng Spain o España sapagkat mahigit 300 years nila tayong sinakop,” paliwanag niya.

Ang UNCLOS, na tinatawag ding Law of the Sea, ay isang pandaigdigang kasunduan na nagbibigay ng legal na balangkas sa lahat ng aktibidad sa dagat. Ito ay pinagtibay noong 1982 at mayroong 168 miyembro, kabilang ang China na isa sa mga lumagda.

Ngunit hanggang ngayon, patuloy na binabalewala ng China ang UNCLOS at ang desisyong pumapabor sa Pilipinas, lalo na ang 200-mile exclusive economic zone (EEZ) na idineklara ng UNCLOS.

Ayon kay Barbers, nais ng China na respetuhin ng international community ang kanilang “no legal basis territorial lines” ngunit sila mismo ay hindi rumerespeto sa mga karapatan ng Pilipinas at iba pang bansa sa Asya. Patuloy nilang iniintriga ang EEZ ng bansa, inaatake ang mga mangingisdang Pilipino at binibigyan ng militarisasyon ang WPS, dagdag niya.

Binanggit din ni Barbers na matapos ipasa ng Pilipinas ang Republic Acts 12064 at 12065 na nagtatakda ng karapatan sa mga maritime zones ng bansa, agad na ipinatawag ng mga opisyal ng China ang Philippine Ambassador sa Beijing upang igiit na bawiin ang mga naturang batas.

Maliban sa mga paglabag sa WPS, sinabi ni Barbers na may creeping invasion ding ginagawa ang China sa bansa sa pamamagitan ng pagpapadala ng libu-libong Philippine offshore gaming operation (POGO) workers at iba pang mga kriminal na sangkot sa pagpatay, kidnapping, cybercrimes at iligal na droga.

Hinikayat ni Barbers ang mga Pilipino na huwag matakot sa bantang giyera mula sa China dahil sa matatag na alyansa ng bansa sa mga Western allies.

Nanawagan din siya sa lahat ng Pilipino na magkaisa laban sa mga paglabag ng China sa WPS at sa loob ng bansa, at ipaalam sa buong mundo ang kanilang mga ginagawa.