Just In

Calendar

January 2025
M T W T F S S
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  
Pastor Apollo C. Quiboloy Pastor Apollo C. Quiboloy

Malacañang naglikha ng espesyal na grupo para kumbinsihin si PACQ na sumuko

Alfred Dalizon Jul 18, 2024
94 Views

ISANG special group ang nilikha ng Palasyo para kumbinsihin si Pastor Apollo C. Quiboloy na mapayapang sumuko at harapin ang mga kasong isinampa sa kanya sa korte, napag-alaman ng People’s Tonight kahapon.

“The special group has been given the go-signal to talk with the camp of Pastor Quiboloy and seek his peaceful surrender,” ayon sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan na tumangging magpabanggit ng kanyang pangalan.

Ayon sa naturang opisyal, kasalukuyan na nilang kinakausap ang mga emisaryo ng self-proclaimed “Son of God” para mapapayag siyang sumuko sa batas at harapin ang kanyang mga kaso.

Ito ang mga ipinahayag ng naturang opisyal sa People’s Tonight sa harap ng isang malawakang paghahanap o “manhunt operation” na inilunsad ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para madakip si Quiboloy at apat pa niyang kapwa akusado sa mga kasong human trafficking at child abuse.

Ilang concerned citizens kamakailan lang ang naglagak ng P10 milyong pabuya para sa anumang impormasyon na magreresulta sa pagkakahuli sa charismatic Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader.

Ipinahayag pa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin C. Abalos Jr. na sadyang lumiliit na ang mundo kay Quiboloy at ang kanyang mga co-accused dulot ng pinagibayong operasyon laban sa kanila.

Ayon kay PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil, mas mainam na sumuko na si Quiboloy at ang kanyang mga kapwa akusado para masabi nila ang kanilang mga depensa sa korte at hindi patuloy na nagtatago sa batas kung talagang naniniwala sila na wala silang mga nagawang kasalanan.

Noong nakaraang Hulyo 11, nadakip ng Pambansang Pulisya ang isa sa mga co-accused ni Quiboloy na si Paulene Canada sa loob ng isang bahay na halos dalawang kilometro lang ang layo sa headquarters ng Police Regional Office (PRO) 11 sa Davao City.

“Lumiliit na ho ang mga pinagtataguan ninyo… Hindi ho titigil ang kapulisan, ang military, ang buong puwersa ng gobyerno para kayo ay dakipin. Please, kung talagang wala kayong kasalanan, sumuko na kayo,” sinabi ni Abalos.

Ayon sa kalihim ng DILG, ang P1 milyong reward na in-offer ng ilang concerned citizens para sa ikakahuli ng mga kasamahan ni Quiboloy ang naging instrumento sa pagkakadakip kay Canada.

Bago ito, nakatanggap ang PRO11 ng isang tawag mula sa isang anonymous caller noong Hulyo 9. Sinabi ng caller na nakita niya ang isang babaeng kamukha ni Canada.

“Bago mahuli itong si Canada may isang hindi nagpakilalang caller ang tumawag sa hotline ng Regional Investigation and Detective Management Division ng office sa Region 11 para i-report sa police na nakita niya ang isang babae na kamukha ng nasa litrato ng wanted poster na nilabas ng PNP na may reward na P1 million,” sinabi ni Abalos.

“Maski papaano ay nakatulong ang reward dito,” dagdag pa niya.

Matatandaang ipinahayag ni Abalos ang paglalagak ng kabuuang P15 milyong reward para sa ikadadakip ni Quiboloy et al.

Tumatagaktak na P10 milyon ang ibibigay para sa anumang inpormasyon na magreresulta sa pagkakahuli ni Quiboloy, samantalang P1 milyon naman ang ibibigay para sa bawat isa sa mga kasamahan ni Paulene Canada na kinilalang sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada at Silvia Cemañes.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala siyang nakikitang masama sa pagtanggap ng DILG ng pribadong tulong para madakip ang mga akusado pagkatapos sabihin ni Abalos na isang “big help” ang reward money sa pagkakadakip ni Paulene Canada.

“Ito ay galing sa mga pribadong tao. Hindi ho binibigay sa akin ito. Sila mismo ang magbibigay doon sa tao, informant,” sinabi ng kalihim.

Sinabi naman ni PRO11 director Brigadier Gen. Nicolas D. Torre III na nagtatrabaho sila “round-the-clock” para maberipika ang lahat ng inpormasyon na binibigay sa kanila ng mga hotline callers tungkol sa pinagtataguan ni Quiboly et al.

Ayon kay Abalos, ang P15 milyong pabuya ay galing sa mga taong labis na nadidismaya sa patuloy na pagtatago ng mga akusado imbes na harapin sa korte ang kanilang mga kaso.

“Ang kaso po ng mga ito ay child abuse and exploitation and then trafficking at me mga tao na napu-frustrate na sa kanila. Kaya ang appeal ko sa Pastor Quiboloy, kung wala kayong kasalanan, me korte po tayo. Surrender and face the charges like every ordinary people do,” sinabi ni Abalos.

“Sa nangyayari po ngayon, parang tinatapakan nila ang sistema ng pamahalaan. Magse-serve ka ng warrant of arrest ikaw pa ang me kasalanan. Ang batas ay batas, ang me kasalanan ang mananagot at ‘yan ang gagawin namin Pastor,” dagdag pa niya

Ayon naman kay Marbil, malinaw na malinaw na si Quiboloy ay isang “fugitive of the law” na nagtatago sa batas mahigit dalawang buwan na ang nakararaan.

Si Quiboloy at ang kanyang mga co-accused ay nahaharap sa mga kasong sexual abuse at trafficking sa magkakaibang korte sa Davao City at Pasig City na isinampa ng mga dating KOJC members.

Mahigpit namang sinabi ni Quiboloy na ang mga alegsayon laban sa kanya ay puro gawa-gawa lang ng mga dating miyembro ng KOJC na may galit sa grupo nila.