Barbers Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

Malakas na ebidensya nakatukod sa VP Sara impeachment — Chairman Barbers

14 Views

SUPORTADO ng malakas na ebidensya ang mga alegasyon sa impeachment case na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.

Si Barbers, na siyang lead chairman ng House quad committee, ay nagbigay ng pahayag bilang tugon sa sinabi ni Duterte na hindi nito pinagbantaan na ipapapatay sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ang nasabing banta, na ginawa ni Duterte noong Nobyembre 2024 at kumalat sa social media, ay kasama sa Articles of Impeachment na nilagdaan ng 215 kongresista at isinampa ng Kamara de Representantes sa Senado noong Miyerkules.

“Well. ‘yung first Article of Impeachment eh may mga ebidensya pong nakasama po ‘dun, ‘yung videos, ‘yung pahayag ng ating bise presidente, kaya nga po naisama po ‘yan and kaya nga po may proseso,” ani Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs.

Sinabi niya na lalabas ang katotohanan sa impeachment trial ni VP Duterte sa Senado.

“The vice president is saying otherwise, siya ang diyan po sa proceedings eh diyan na po magkakaalaman kung ano po ba ‘yung katotohanan sa likod nitong article na ito,” dagdag ni Barbers.

Ayon kay Barbers, bagamat hindi siya abogado, sa kanyang sariling opinyon ay sapat ang ebidensya para suportahan ang mga paratang sa impeachment.

“From the way I look at it, after appreciating in my own personal opinion no eh lahat po itong articles (of impeachment) na ito eh meron pong pinagbabasehan… may pinaghuhugutan at dahil may pinaghuhugutan…meron pong mga nakadikit na ebidensensya po,” diin niya.

Binigyang-diin niya na nasa senator-judges ang responsibilidad na suriin ang mga paratang sa impeachment at ang ebidensya.

“The way the senator-judges appreciate this evidence eh kanila pong obligasyon ‘yan at nirerepesto po natin ang kanilang opinyon tungkol diyan,” dagdag pa niya.

Bilang tugon sa tanong, sinabi ni Barbers na mahirap ipanukala na magbitiw si VP Duterte upang hindi na gumastos ang bayan para sa impeachment trial.

Aniya, ang na-impeach na Pangalawang Pangulo ay may karapatang dumaan sa due process sa Senado.

“Well, mahirap naman sabihin natin na mag-resign ang ating vice president para hindi na tayo gumastos ng salapi. Hindi naman pupuwede ‘yun. Bigyan natin ng proseso, bigyan natin ng due process, eh karapatan naman din niya bilang bise presidente at kahit sino sa atin karapatan natin na depensahan ang ating sarili sa mga ganitong klase ng mga pagkakataon,” sabi ni Barbers.

“Due process, ito po ay nakasaad sa ating Saligang Batas at ito po ay karapatan ng bawat Pilipino. So hindi dapat maging ano ‘yan…parang dahilan lang no na para pagbitiwin natin sa puwesto, no at tsaka ‘yang desisyun na ‘yan, that’s a personal decision,” dagdag pa niya.

Gayunpaman, pinuna ni Barbers si VP Duterte dahil hindi umano nito sineseryoso ang impeachment na inaprubahan ng supermajority ng mga miyembro ng Kamara.

Bilang tugon sa pahayag ng pangalawang pangulo na mas masakit pang iwanan ng kasintahan kaysa ma-impeach, sinabi ng mambabatas mula Mindanao, “Kanya-kanya namang pakiramdam ‘yan and we have to give it to her…she’s not taking it seriously. And that’s her right.”

“And bigay natin sa kanya ‘yon and how she looks at things and how she looks at that particular complaint. Hindi naman natin siya pwedeng masabihan o madiktahan kung ano dapat niyang pakiramdam,” sabi ni Barbers.