Calendar
Malaking pamilya mula sultan kudarat at maguindanao solido ang suporta sa UniTeam
NAGPAHAYAG ng buong suporta ang malalaking pamilya mula sa Sultan Kudarat Province at Maguindanao Province sa tambalan nina presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Sara Duterte sa katatapos lang na pagdiriwang ng 5th Kudaraten Festival sa Sultan Kudarat.
Kabilang sa nasabing pagtitipon sina Maguindanao Governor Mariam Mangudadatu, Sultan Kudarat Governor Suharto ‘Teng’ Mangudadatu, Maguindanao Vice Governor Lester Sinsuat, Member of Parliament Datu Tucao Mastura, Sultan Kudarat Municipal Mayor Datu Shameem Mastura, Talayan Mayor Datu Ali Midtimbang at ilang mga kasalukuyan at tatakbong mga opisyal sa dalawang probinsya.
Dumalo din sa pagdiriwang sina Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte na humalili sa kanyang kapatid na si Sara, Ilocos Sur Narvacan Mayor at LMP President Chavit Singson, dating presidential spokesperson at senatorial aspirant Harry Roque, at mga kinatawan ng Tingog Partylist.
Bawat isa sa kanila ay nagpahayag ng kanilang mga dahilan kung bakit buong-puso sila sumusuporta sa tambalang BBM-Sara UniTeam para sa darating na May 2022 elections.
Para kay Sultan Kudarat Governor Suharto ‘Teng’ Mangudadatu ang kanilang solidong suporta para kina Bongbong at Sara dahil matutugunan nila ang mga magagandang proyekto sa probinsya at mas mapapaigting nila ang pagkakaisa at kapayapaan sa rehiyon.
“Sa tulong-tulong ng family alliance ay nagkaroon po ng katahimikan ang Maguindanao. ‘Yung mga paghihirap ng mga kababayan natin na naging war zones at ngayon po ay tahimik na po,” ayon kay Gov. Mangudadatu.
“Ngayon ay lalo kaming umaasa sapagkat nagkaroon na magandang tandem na inaasam-asam po namin na pagkakaisa ng ating next president Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte-Carpio, makakaasa po kayo sa solidong suporta ng probinsya ng Sultan Kudarat at Maguindanao,” ayon kay Gov. Mangudadatu.
Kabilang sa mga tinatawag na family alliance ang mga pamilya ng Midtimbang, Sinsuat, Mastura, Ampatuan at ilan pang mga maimpluwensyang pamilya sa dalawang probinsya.
Hindi naman makakalimutan ni Member of Parliament Datu Tucao Mastura ang kanyang karanasan kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na nagtiwala sa kanya na pamunuan ang Sultan Kuldarat matapos tumiwalag sa pagiging rebelde at magbalik-loob sa pamahalan para sa kapayapan ng bansa.
“Napakalaki ng utang na loob natin sa kanya, sa kanyang pamilya at sa kanyang tatay. Bakit po? Ako’y isang dating rebelde at ilang taon din akong namundok upang ipaglaban ang Bangsamoro,” wika niya.
“Pero napag isipan ko at napag-isipan din nila, na the only way ay lumabas ako. Nung ako’y lumabas, ako’y ini-appoint ni dating Pagulong Marcos bilang alkalde ng Sultan Kuldarat. Simula po ng 1976 wala na pong naging putukan dito sa Sultan Kudarat sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at mga rebelde,” kwento pa ni Datu Tucao.
Ikinatuwa naman ni Bongbong ang pakikipag-isa ng tinatawag na family alliance ng probinsya ng Sultan Kudarat at Maguindanao sa panawagan ng BBM-Sara UniTeam.
Ito aniya ay pagkakaisa para sama-samang pagbangon ng Pilipinas at pagbubukas ng pantay-pantay at maraming oportunidad sa bawat rehiyon ng bansa.
“Iton’g ating kilusan ng pagkakaisa ay nasimulan ninyo na rito, with the family alliance that has been formed, this is showing that here in Sultan Kudarat [municipality], in the Province of Maguindanao, the Province of Sultan Kudarat, you have begun to understand the importance of unity. You have begun to understand that alliances are what make us strong and unity is the way forward, then that is when we can see the opportunities that will arise.”