Rep. Joel Chua Manila 3rd District Rep. Joel Chua

Maling gamit ng DepEd pondo sa pamumuno ni VP Sara

Mar Rodriguez Sep 18, 2024
184 Views

IIMBESTIGAHAN ng House committee on good government and public accountability ang hindi tamang paggamit ng pondo ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.

Partikular na sisilipin ng komite, na katumbas ng Senate Blue Ribbon Committee, ang potensyal na “malfeasance, misfeasance, and nonfeasance” sa pagkabigo ng DepEd na agad na maipadala sa mga pampublikong paaralan ang biniling laptop at e-learning equipment.

Sa pagdinig ngayong Miyerkules, sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na binigyan ng otorisasyon ng House committee on rules ang pinamumunuan nitong Committee on good government and public accountability panel na magsagawa ng motu proprio investigation.

Ang motu proprio investigation ay bunsod ng mosyon ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa pagdinig ng House committee on appropriations noong Setyembre 10 sa pagtalakay ng 2025 budget ng DepEd.

“The committee, by a majority vote of all members, decided to conduct a motu proprio investigation on the September 10, 2024 manifestation of Luistro, particularly regarding DepEd’s failure to deliver computers in good condition to end-users and other issues concerning its budget utilization,” sabi ni Chua.

Ang pahayag ni Chua ay bilang sagot sa manipestasyon ni Cagayan 3rd District Rep. Joseph “Jojo” Lara, na nagpapahayag ng suporta sa mosyon ni Luistro na imbestigahan ang pagkabigo ng DepEd na i-deliver ang mga ICT equipment para sa mga guro at estudyante.

“I wish to manifest that this committee, the Committee on Good Government and Public Accountability, determine whether there is misfeasance, malfeasance, or non-feasance, at kung may mga paglabag ang mga kawani ng naturang ahensya sa kanilang mga tungkulin bilang mga kawani,” sabi ni Lara.

Nagpahayag ng pagkabahala si Luistro sa mababang utilization rate ng DepEd kung saan P9 bilyon sa P11.36 bilyon na para sa ICT equipment noong 2023 ang nagamit.

Kasama sa iimbestigahan ang mga puna na inilagay ng Commission on Audit (COA) sa pagsuri nito sa Computerization Program ng DepEd noong 2023.

Ayon sa naturang ulat, 50.07 porsiyento lamang ng budget para sa programa ang nagamit ng ahensya.

Naniniwala si Luistro na ang hindi magandang performance ng DepEd ay nagresulta sa hindi magandang performance ng mga estudyante ng bansa sa Programme for International Student Assessment (PISA).

Dahil sa kabagalan ng DepEd ay maaari umanong maging obsolete na ang mga biniling gamit.

Isasabay ang imbestigasyon sa paggamit ng pondo ng DepEd sa pagsusuri sa mga inilahad ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano sa kanyang privilege speech noong Setyembre 3.

Pinuna ni Valeriano ang kawalan umano ng transparency sa paggamit ng pondo ng bayan ni VP Duterte.

Iginiit ng komite ang kahalagahan na matiyak na tama ang paggamit ng pampublikong pondo at mapanagot ang mga nagkasala kaugnay ng maling paggamit nito.