sara UniTeam vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte Kuha ni VER NOVENO

Malinis, maayos, mapayapang halalan hiling ni Mayor Sara

296 Views

NANAWAGAN si UniTeam vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte sa mga Pilipino na tumulong upang maging malinis, maayos, at mapayapa ang idaraos na halalan sa Mayo 9.

Ginawa ni Duterte ang panawagan sa isinagawang caucus kasama ang mga lokal na opisyal at residente ng San Pedro, Laguna sa JAM Compound.

“We are worried about Election day and we always call on everyone to support an honest, orderly and peaceful elections for our country,” sabi ni Duterte.

Bukod sa kampanya, sinabi ni Duterte na pinaghahandaan na rin ng grupo ang canvassing at proklamasyon ng mga mananalo.

Sa Mayo 23 ay magsisimula ang canvassing o pagkolekta ng Kongreso ng mga boto sa pagkapangulo at bise presidente.

Ang mga nanalo ay ipoproklama ng Kongreso at ang kanilang termino ay magsisimula sa Hulyo 1.

Sinabi naman ni Duterte na siya at ang running mate na si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay patuloy na mangangampanya sa kabila ng kanilang magandang ipinapakita sa survey.

Muling bumisita si Duterte at Marcos sa Southern Tagalog region upang ipahayag ang kanilang mensahe ng pagkakaisa sa mga botante.