Haresco

Mambabatas tutol sa revival ng BIDA Bill

Mar Rodriguez Aug 12, 2022
271 Views

MULING iginiit ng isang kongresista ang mariing pagtutol nito sa muling pagbuhay o “revival” ng panukalang batas na kasalukuyang nakasalang sa Kamara de Representantes kaugnay sa pagsusulong ng Boracay Island Development Authority (BIDA).

Sinabi ni Aklan 2nd Dist. Rep. Teodorico Haresco, Jr. na muli nilang tinututulan ang pagbuhay sa BIDA Bill na isinulong ng kaniyang kapwa kongresista sa ilalim ng House Bill No. 9826 na hindi pumasa noong nakaraang taon (2021) sa ilalim naman ng 18th Congress.

Ayon kay Haresco, nagpahayag ng masidhing pagtutol sa nasabing panukala (BIDA) ang provincial government ng Aklan noong Pebrero 2021 sa pamamagitan ng apat na pahinang position paper.

Ipinaliwanag ni Haresco na sa ilalim ng BIDA proposal, mawawalan na ng karapatan sa pamamahala ng Boracay Island ang local government ng Aklan kung kaya’t ganoon na lamang ang pagtutol nila sa isinusulong na BIDA proposal sa Kongreso.

“The provincial government of Aklan vehemently objects to the creation of a corporate entity with vast and almost all encompassing powers which would diminish, if not divest outright constitutionally guaranteed local economy and legally mandated powers affection,” sabi ni Haresco.

Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, isang “corporate entity” ang mamamahala at mangangasiwa sa pagpapatakbo ng Boracay island. Sila rin umano ang mamamahala sa development, preservation at rehabilitation ng nasabing Isla kabilang na ang mga maliit na Isla sa paligid nito.

Sa nakalipas na 18th Congress, sinabi pa ni Haresco na pumasa na ang panukalang batas sa ikatlong pagbasa o “third reading”. Subalit hindi naman ito pumasa sa Senado.