Calendar

Marbil: Misyon ng PNP sa Halalan 2025 tagumpay
INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na tiyaking maging mapayapa at maayos ang 2025 National at Local Elections — at para sa Hepe ng Pambansang Pulisya: isa itong ‘mission accomplished.’
Ayon kay PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil, matagumpay na naisakatuparan ng kapulisan ang malinaw na direktiba ng Pangulo.
“ Malinaw ang direktiba, at ito ay buong husay na natupad. Tapat sa tungkulin nitong pangalagaan ang demokratikong proseso, isinakatuparan ng PNP ang kanilang mandato nang may disiplina, propesyonalismo, at matatag na determinasyon.
Ngayong tapos na ang halalan, muling nakatutok ang PNP sa mga pangunahing tungkulin nito — pagpapanatili ng kaayusan, pagbibigay ng seguridad, at pangangalaga sa kapakanan ng mamamayan,” ayon sa opisyal.
Bagama’t may ilang insidente na naiulat at mas nabibigyan ng pansin ng ilan, nararapat lamang kilalanin ang mas malaking tagumpay: matagumpay na naisagawa ang halalan sa buong bansa., sinabi ni Gen. Marbil.
Mahigit 163,000 PNP personnel ang ipinakalat sa buong kapuluan — mula panahon ng kampanya hanggang sa araw ng botohan, ayon sa kanya. Sa kabila ng mga hamon, nanatiling bukas ang mga presinto, naisagawa ang pagboto, at naipahayag ng sambayanan ang kanilang saloobin.
Sa kabuuan ng halalan, nagsagawa ang PNP ng 862,827 checkpoint operations, na nagresulta sa 71 percent na pagtaas ng mga nahuling lumabag sa gun ban. Umabot sa 3,217 baril ang nakumpiska — halos 49.97 porsiyento na mas mataas kumpara noong 2023 elections.
Bukod dito, 49 lamang ang naitalang election-related incidents, 53 percent na mas mababa kaysa sa nakaraang Barangay at SK Elections.
“Hindi man naging perpekto ang halalang ito, ngunit sa pangkalahatan, ito ay naging mapayapa, maayos, at matagumpay,” ayon sa PNP chief.
“Walang perpektong operasyon, pero ang mahalaga, naisagawa ang misyon. Ginampanan ng ating mga pulis ang kanilang tungkulin nang buong husay at dedikasyon. Nanindigan silang manatiling walang kinikilingan at propesyonal — at pinatunayan nila ito. Nakaboto ang taumbayan, nagpatuloy ang proseso, at nanaig ang demokrasya,” dagdag pa niya.
“Ang pananagutan ay bahagi ng aming tungkulin, ngunit bahagi rin nito ang pagkilala sa sakripisyo at pagsisikap ng ating hanay. Dapat nating matutunang tingnan ang kabuuan larawan sa mas malawak na perspektibo at magpatuloy sa ating misyon nang mas matatag,” ani Chief PNP.
Binigyang-diin ng PNP na ang mapayapa at kapani-paniwalang pagdaraos ng 2025 midterm elections ay resulta ng pagtutulungan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan, kasama ang Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at iba pang katuwang sa seguridad.
Habang paunti-unti ng bumabalik ang karamihan ng ating kapulisan sa kanilang regular na tungkulin— gaya ng pagpigil sa krimen, pakikilahok sa komunidad, at pagbibigay ng kaligtasan sa publiko — dala pa rin nito ang parehong antas ng dedikasyon na ipinamalas noong halalan.
“Walang halalan na walang hamon. Ngunit sa pamamagitan ng tamang paghahanda, pagtitiyaga, at pagtutulungan, natupad ang ating layunin. Natuloy ang proseso. Nanatiling matatag ang demokrasya. Tinupad ng PNP ang kanilang tungkulin. Misyong natapos at napagtagumpayan para sa bayan,”diin ni Gen. Marbil.