BBM

Marcos pinalawak ayuda sa mga kapos-palad, homeless kasama na

Chona Yu Jan 20, 2024
257 Views

PINALAWAK pa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap na Filipino.

Ito ay dahil sa isinama na ni Pangulong Marcos ang mga homeless na pawang sa mga kalsada lamang nakatira sa mabebenepisyuhan ng Pag-abot Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Base sa inilabas na Executive Order No. 52 na nilagdaan ni Pangulong Marcos, layunin nito na mailayo ang mga homeless, street dwellers at iba pang mahihirap mula sa kalsada at matulungan na maging produktibong miyembro ng lipunan.

Ayon sa Pangulo, hindi lamang financial assistance ang kabilang sa assistance packages sa ilalim ng Pag-abot Program kundi mayroon ding relocation, transitory shelter assistance, livelihood at maging ng employment assistance habang magkakaloob din ng psychosocial support.

Sa ilalim ng EO ay magkakaroon ng Inter-Agency Committee na titiyak sa implementasyon ng programa na pamumunuan ng kalihim ng DSWD habang magsisilbing vice chairman ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Dagdag ng Pangulo na ang programa ay magbibigay ng katiyakan para sa epektibong pagbibigay ng serbisyo patahak sa pagsugpo ng kahirapan.

“The Pag-abot Program is hereby institutionalized as a platform for an enhanced and unified delivery of services to vulnerable and disadvantaged children, individuals, and families in street situations, through provision of social safety nets and protection against risks brought about by poverty,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nabatid na ang Pag-abot Program ay isa sa mga pilot programs ng DSWD na tutulong sa mga mahihirap.