Calendar
Mas makapangyarihang PSA vs pekeng birth certificates isinusulong
NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian na palakasin ang kapangyarihan ng Philippine Statistics Authority (PSA) at taasan ang parusa laban sa mga civil registrar na sangkot sa pandaraya sa pagrerehistro ng pekeng birth certificates sa gitna ng tumataas na kaso ng ganitong insidente.
Naghain si Gatchalian ng Senate Bill 2914 na layong bigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang PSA at magtatag ng komprehensibo at epektibong civil registration at vital statistics system. Sa pamamagitan nito, mapapalitan ang umiiral na Philippine Law on Registry of Civil Status na 94 taon nang ipinasa.
“Kailangan nang i-update ang batas upang maging angkop ito sa kasalukuyan dahil masyado nang mababa at luma ang mga parusa para sa mga paglabag,” ani Gatchalian, na idinagdag na maglalaman ang panukalang batas ng mga probisyon sa delayed registration at iba pang mga kinakailangang pagbabago upang mapabuti ang sistema at maiwasan ang maling paggamit ng mga luma nang praktis.
“Kailangang gawin ito dahil kung hindi natin ito gagawin, maraming may pekeng birth certificate ang pwede pa ring ma-issue at ang mga taong meron nito ay pwedeng makabili ng lupa, magtayo ng negosyo, at tumakbo sa politika kagaya ng ginawa ni Alice Guo,” sabi ni Gatchalian.
Ipinapanukala ng senador ang pagtaas ng parusa para sa sinumang sadyang gumagawa ng maling impormasyon kaugnay ng civil registration. Sa kasalukuyan, ang parusang ito ay limitado lamang sa pagkakakulong ng 1 hanggang 6 na buwan o multang P200 hanggang P500, o parehong parusa.
Lumabas ang isyu sa pagdami ng pekeng birth certificate matapos mabisto ni Gatchalian na nakuha nang iligal ang birth certificate ng dating Bamban Mayor na si Alice Guo.
Sa ngayon, na-block na ng PSA ang 1,627 na kahina-hinalang birth certificates na may kaugnayan sa mga foreign nationals, kung saan 18 na kaso ang na-endorso sa Office of the Solicitor General para sa kanselasyon, ayon kay Gatchalian. Dagdag pa niya, kasalukuyan ding pinoproseso ang pag-audit ng PSA sa 50,532 birth certificates para sa posibleng falsification at iregularidad.
Samantala, tinatayang 3.7 milyong Pilipino, o 3.4% ng kabuuang populasyon, ang wala pa ring birth certificate, karamihan sa mga ito ay mula sa marginalized sector. Bukod dito, tinatayang 14.9 milyong late birth registrations ang naisumite mula 2010 hanggang 2024.
“Kailangan nating balansehin dahil kung sobrang higpit, mahihirapan ‘yung mga kababayan nating nakatira sa malalayong lugar pero kung sobrang dali namang makakuha ng birth certificate ay makakalusot ang mga gustong mang-abuso,” pagtatapos niya.