Santiago Si NBI Director Jaime Santiago habang nagbibigay pahayag kaugnay sa pagsasalang sa lie detector test sa naarestong si Mary Ann Maslog. Kuha ni JON-JON C. REYES

Maslog magla-lie detector sa NBI matapos maugnay kay Alice Guo

Jon-jon Reyes Oct 9, 2024
140 Views

ISASALANG sa lie detector test ng National Bureau of Investigation (NBI) si Mary Ann Maslog na iniugnay sa textbook scam at inakusahan na pineke ang kanyang kamatayan upang makaiwas sa pag-aresto sa kanya.

Ayon sa NBI, ang lie detector test ay isasagawa kasunod ng rebelasyon sa pagkakaugnay ni Maslog kay dismissed mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac.

Pangungunahan ni NBI Director Jaime B. Santiago ang lie detector test kasama ang officer on case.

Sa Senate hearing noong Oktubre 8, nabunyag na si Maslog ay isa rin sa kinausap ng Philippine National Police (PNP) Intelligence Group para sa pagsuko ni Guo nang siya ay pinaghahanap pa.

Binisita rin ni Maslog si Guo habang nakadetine sa Custodial Center ng PNP sa Camp Crame, Quezon City.

Ang pag-aresto sa kanya ay nag-ugat sa isang reklamo na niloko niya si Dr. Jesica Francisco upang magbigay ng P5 milyon bilang puhunan sa isang proyekto sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa imbestigasyon ng NBI, natuklasan na ang fingerprint sa biometric printout ng Bureau of Immigration (BI) ay natukoy sa NBI clearance na inisyu kay Mary Ann Maslog o Mary Ann Evanz Basa Tupa Smith.

Dahil dito, natuklasan ng NBI na si Maslog ay may dalawang outstanding arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Courts (RTC) ng Makati at Parañaque City.

Matapos maisilbi ang arrest warrant at maaresto si Maslog, kinasuhan siya ng NBI sa Quezon City Prosecutor’s Office ng falsification of public document at paglabag sa Anti-Alias Law.

Sinabi ng NBI na si Maslog ay inakusahan din sa 1999 tax scam at dalawa sa kanyang co-accused officers ng Department of Education (DepEd) ay nahatulan at nasintensyahan ng 10 taong pagkakabilanggo.

Gayunman, sinabi ni Santiago na sa paglilitis ng kanyang kaso ay iniulat ng kanyang abogado na siya ay patay na.