HNP

Mass defection sa hanay ng HNP napipinto – Dy

Mar Rodriguez May 11, 2024
89 Views

NANINIWALA si House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy na inaasahang magkakaroon ng malawakang “mass defection” mula sa hanay ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Vice President Inday Sara Duterte.

Ito ang nakikitang scenario ni Dy bunsod ng walang habas na “smear campaign” na ginagawa ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na nakakubli lamang sa pamamagitan ng di-umano’y “prayer o peace rally”.

Dahil dito, binigyang diin ni Dy na hindi lamang sa HNP magkakaroon ng malawakang “desertion” o paglisan ng kanilang mga miyembro kundi maging sa partido mismo ng dating Pangulong Duterte na Partido Demokratiko ng Pilipinas (PDP) dahil sa ginagawang nilang paninira laban sa administrasyong Marcos, Jr.

Ayon kay Dy, marami sa mga miyembro ng HNP at PDP ang unti-unting nadidismaya sa ginagawa nina dating Pangulo sa kanilang mga rally na walang pakundandanang binabatikos, binabastos at ipinapahiya ang Pangulong Marcos, Jr. Kung saan, sukdulang aniyang tawagin itong “bangag”.

Binigyang diin ng kongresista na walang sinomang miyembro ng isang partido ang gaganahang manatili sa kanilang samahan kung nakikita nito ang kanilang pinuno na maling direksiyon ang pinatutunguhan sapagkat sa halip na isulong ang pagkakaisa ay mas pinagtutunan nito ang galit at pagkamuhi.

“It seems to me na yung mga personalities who are involved who are actively trying to malign the administration, who are mudslinging against the administration na sila po talaga marami po sa kanila talaga ang mahahanap duon po sa mga members ng PDP. Parang dismayado sila,” paliwanag ni Dy.

Sinabi pa ni Dy na hindi matatawag na peace o prayer rally ang mga inilulunsad na pagtitipon ng kampo ng dating Pangulo sa iba’t-ibang lalawigan sa bansa. Bagkos, isang pagtatangka para sirain ang imahe ni Pangulong Marcos, Jr. dahil sa halip na hikayatin ang dumadalo sa rally na tulungan ang gobyerno ay mistula pa nila itong inuudyukan na magtanim ng galit laban sa pamahalaan.