Calendar

May-ari ng 9 babuyan na walang lisensya pinagpapaliwanag ng BAI
PINAGPAPALIWANAG ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang mga may-ari ng siyam na babuyan sa Central Luzon kung bakit nagpapatuloy ang kanilang operasyon sa kabila ng kawalan ng kaukulang lisensiya.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., inisyuhan ng show cause order ang mga naturang pig farm na nasa Bulacan, Pampanga at Tarlac upang magpaliwanag sa patuloy nilang operasyon kahit na hindi sila dumaan sa basic health, environmental, at safety regulations.
Babala ni Tiu Laurel na malalagay sa panganib ang pagsisikap ng pamahalaan na magiging matatag ang presyo at suplay ng baboy dahil sa pagbalewala ng mga pig farm sa mga naturang regulasyon lalo na hindi pa nakakabawi ang bansa sa mahabang epekto ng African Swine Fever (ASF).
Tugon ang naturang inisyatibo sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magsagawa ng crack down sa mga hindi rehistradong livestock facility na siyang nagiging balakid katatagan ng food supply chain at presyo.
“As we modernize Philippine agriculture, everyone must understand that unlicensed operations will not be tolerated. Compliance is not optional—it is fundamental to protecting both consumers and the livelihoods of law-abiding farmers,” diin ni Tiu Laurel.
Sinabi naman ni Acting BAI Director Christian Daquigan, isinilbi ang mga naturang kautusan pagkatapos ng midterm elections.
Kasalukuyang sinusuri ng BAI ang mga sagot ng ilang may-ari ng babuyan at susunod na ang mga aksyon laban sa mga ito.
Inatasan din ni Tiu Laurel ang BAI na magsagawa ng malawakanh inspeksyon at suriin ang pagsunod ng iba pang swine farm sa buong bansa.
Patuloy namang nirerebisa at minamanmanan ng DA at BAI ng operasyon ng iba pang animal facility sa buong bansa upang matiyak ang pagsunod ng mga ito sa licensing, health, at safety requirements bilang bahagi ng malawakang pagsisikap para professionalize ng livestock industry at protektahan ang kapakanan ng publiko.