Security Sa kanyang upuan na natodas ang may-ari ng isang security agency nang barilin sa loob ng kanyang tanggapan ng nag-iisang salarin. Larawan mula sa CALOOCAN POLICE

May-ari ng security agency pinatay ng pekeng aplikante

Edd Reyes May 15, 2024
112 Views

TINODAS sa loob mismo ng kanyang tanggapan ang 42-anyos na may-ari ng security agency ng nag-iisang salarin na nagpanggap na aplikante sa Caloocan City.

Dedo kaagad ang biktimang si Jeffrey Talisayin sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan habang mabilis na tumakas ang salarin patungo sa di nabatid na lugar.

Ang suspek ay nakasuot ng dark colored na long-sleeve- shirt at itim na bonnet, may taas na 5’4 hanggang 5’6, at katamtaman ang pangangatawan.

Sa ulat na ipinadala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, naganap ang pamamaslang dakong alas-9:30 ng umaga ng Lunes sa loob ng King Guard Sentinel Security Agency na pag-aari ng biktima sa Block 5, Ipil Avenue, Franville IV Subdivision, Camarin, Brgy 172.

Sa pahayag ng testigong si alyas “Francis”, 42, operations manager ng isang construction firm, nagpanggap umanong aplikante sa pagiging security guard ang suspek kaya’t pinayagan siyang makapasok sa opisina ng may-ari para makapanayam.

Pagpasok sa loob ng tanggapan, bumunot na ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang suspek at malapitang pinaputukan ng tatlong sunod ang biktima na kaagad niyang ikinamatay.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng bala at isang tingga mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril habang patuloy pang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga nagrespondeng tauhan ng Investigation and Detective Management Section (IDMS)-North at Police Sub-Station 8 upang makilala at madakip ang salarin.

Sinabi ni Col. Lacuesta na inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa naturang pamamaslang.