Calendar

May bagong kabuhayan sa sampaguita, pwedeng maging massage oil, therapy rub
HINDI na masasayang ang mga naaning sampaguita sa Ligao, Albay dahil maaari na itong gawing massage oils at therapeutic rubs ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Ito na ang maaaring pagkuhanan ng kabuhayan ng may 30 ARBs sa naturang bayan makaraang magtapos ng pagsasanay kung paano gawing mga produktong pangkalusugan ang sobrang ani ng sampaguita,
Bahagi ng 2025 Development of Products Project sa ilalim ng Enterprise Development and Economic Support (EDES) program ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pagsasanay ng mga ARBs na miyembro ng Ligao-Oas Consolidated Irrigators Association (LOCIA), Inc. isang Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBO) mula sa Brgy. Bobonsuran.
Sa loob ng maraming taon, nakita ni Rosyl Rabe, LOCIA Inc. secretary, kung paanong nasasayang ang kanilang ani ng sampaguita dahil sa labis na suplay.
“May bagong purpose na po itong Sampaguita flowers namin at hindi na masasayang. Magandang opportunity po ito dahil may dagdag income na kami,” sabi ni Rabe.
Pinangunahan ni Louise Cynthia Matza ng IQMK Global Philippines ang pagsasanay ng mga ARBs na nakatuon sa paggamit ng natural na sangkap tulad ng menthol crystals, beeswax, petrolatum at cellular oil.
Natutunan ng mga ARB kung paano lutuin nang dahan-dahan ang mga bulaklak sa langis sa loob ng ilang oras upang makagawa ng mga therapeutic infusion na may anti-inflammatory, antibacterial at pain-relief properties para sa massage oil at sampaguita rub.
“Ang maganda rito ay may procedure na ako mismo ang gumawa. Matagal na panahon kong inaral para masigurado ang maximum health effect.
Kapag na-inhale mo ang produkto, may epekto agad,” ayon kay Matza, na siya mismo ang bumuo ng pormulasyon.
Nagsagawa rin ng karagdagang pagsasanay si Tyrone Guevarra, isang espesyalista mula sa Department of Trade and Industry (DTI), ukol sa packaging design, kaalaman sa marketing at Good Manufacturing Practices (GMP).
Layunin nitong bigyan sila ng kakayahan hindi lamang sa paggawa ng produkto, kundi pati na rin sa pagtatayo ng isang matatag na negosyo ang mga gagawa ng byproducts mula sa sampaguita.
Isinagawa ng pagsasanay sa kahilingan ng ARBO sa kagustuhan ng mga miyembro na mapakinabangan ang kanilang hindi gaanong nagagamit na mga tanim na sampaguita.
Ang dating itinuturing na labis, ngayon isa nang oportunidad.