Sara Duterte

Mayor Sara nagpasalamat sa kompositor ng mga kanta para sa kanyang kandidatura

375 Views

BINISITA ni vice presidential candidate Sara Duterte ang kompositor na si Zaldy Soliman upang personal itong pasalamatan sa paggawa ng mga kanta para sa kanyang kandidatura.

Dumaan si Duterte sa Barangay Talon Dos, Las Piñas upang personal na iparating sa 60-anyos na si Soliman ang kanyang pasasalamat.

Ayon kay Soliman apat na kanta na ang nagawa nito para kay Duterte at mayroon pa siyang mga ginagawa.

Isa sa mga kanta na kanyang nalikha ang “Inday Sara, Kailangan ka ng Ating Mamamayan” na mayroon ng 44,000 views sa YouTube channel ni Soliman bukod pa sa mahigit 10,000 nakapanood nito sa kanyang Facebook page.

Noong 1980s umano nagsimulang magsulat ng kanta si Soliman.

Naging inspirasyon umano ni Soliman sa paggawa ng kanta ang kakayanan ni Duterte na mamuno.

“Alam ko na kaya niyang mamuno ng posisyon bilang Vice President ng bansang Pilipinas, at sya ay may malasakit sa mamamayang Pilipino,” sabi pa ng kompositor.

Isa rin umanong suporter ni Pangulong Rodrigo Duterte si Soliman.

Nagpasalamat ang alkalde ng Davao sa pagsuporta sa kanya at kanyang ama ni Soliman at ng pamilya nito.

“Gusto kong magpasalamat ng personal dahil grabe talaga yung support na ibinigay,” dagdag pa ng alkalde.

Ang mga kantang ginawa ni Soliman ay mapapanood sa self-named YouTube channel at Facebook page nito.