Sara

Mayor Sara natural na mapagbigay, may malasakit

305 Views

NATURAL umano kay vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte ang pagiging mapagbigay at nagmamalasakit sa iba.

Ito ang sinabi ni Tawi-Tawi Governor Yshmael “Mang” Sali na siyang nanguna sa mga lokal na opisyal ng lalawigan sa pagpapahayag ng suporta kay Duterte, ang nangungunang kandidato sa pagkabise presidente batay sa mga survey.

Ayon kay Sali bago pa man nagkaroon ng pandemya ay tumutulong na si Duterte sa Tawi-tawi kaya naman noong 2019 ay idineklara itong adopted daughter ng probinsya.

Sinabi ni Sali na malaki ang naitulong ni Duterte upang magkaroon ng Malasakit Center ang probinsya. Gumawa rin umano ng paraan si Duterte upang ang mga ambulansya at motorsiklo ng pulis na para sa Davao City ay mapunta sa Tawi-tawi.

Inimbitahan ng grupo ni Sali si Duterte sa kanilang pagpupulong sa Manila Hotel noong Marso 16 kung saan kanilang ipinahayag ang pagsuporta sa vice presidential bid ng Davao City mayor.

Siyam sa 11 alkalde sa probinsya ang dumalo sa pagtitipon.

“We expect her to share her experience and expertise as city mayor of Davao to the whole country,” sabi ni Sali.

Nagpasalamat naman ni Duterte sa pagsuporta sa kanya.

“Nagpapasalamat ako sa oportunidad na ibinigay ninyo sa akin. Lagi po namin ikinakampanya na magkaisa. Nagkasundo po kaming dalawa (ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.) na magtulungan para sa bansa as president at vice president,” sabi ni Duterte.

Noong Pebrero ay pinagtibay ng Tawi-tawi One Party na pinamumunuan ni Sali ang isang resolusyon na nagbibigay ng suporta sa pagtakabo ni Duterte.

Ayon naman kay Bongao Mayor Jimuel Que walang duda na ang pinakakuwalipikado na maging bise presidente ay si Duterte at patunay dito ang kanyang mga nagawa sa Davao City.

Dagdag pa ni Que full support ang buong Tawi-Tawi kay Duterte at sigurado umano siya na mananalo ito sa kanilang lalawigan.