BBM

Medical record ng mga pasyente sa liblib na lugar pinakukuha ni PBBM

Chona Yu Sep 20, 2024
117 Views

HINIMOK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ahensiya ng gobyerno at organisasyon na nagsasagawa ng medical mission sa mga liblib na lugar na tiyakin ang pagkuha ng mga medical record ng kanilang mga pasyente.

Sa talumpati sa turnover ceremony ng Bagong Pilipinas Mobile Clinics sa North Harbor sa Maynila, sinabi ni Pangulong Marcos na ang hakbang na ito ay para masubaybayan ang kalagayan at estado ng kalusugan ng mga Filipino na nasa mga liblib na lugar.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na mahalaga na magkaroon ng medical record ang bawat pasyente para habang tumatagal ang panahaon ay nakikita kung lumalala ang sakit o gumagaling sila.

“Para makita ‘yung record nila sa nakaraan, doon sa health status nila… Very important part dahil marami sa mga tauhan natin, marami sa mga kababayan natin, hanggang ngayon walang medical record. Matatanda na sila pero wala silang medical record. Pagpasok nila sa ospital, magpapatingin man sila ay ‘yung doktor at saka ‘yung mga staff ng mga ospital ay tinitingnan pa rin starting from square one,” pahayag pa ni Pangulong Marcos.

Igiiit pa ng pangulo na sa ilalim ng Bagong Pilipinas, bawat buhay ay mahalaga at bawat pasyenteng filipino ay dapat nakakatanggap ng atensyong medikal.

Mahalaga aniya ang healthcare system dahil hindi makakamit ng bansa ang paglago ng ekonomiya kapag hindi kayang magbigay ng atensiyong medikal sa mga filipino.

Layon din aniya ng Mobile Primary Care Facilities (MPCF) o mobile clinics ay naglalayon ng tulong medikal at healthcare services sa geographically isolated and disadvantage areas (GIDAs) o mga populasyong kulang sa serbisyo.