Calendar

Mendoza sa mga empleyado: Basta CTPL galing IC valid ‘yan
PINAYUHAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang mga kawani ng ahensya na tanggapin ang Compulsory Third Party Liability (CTPL) na ipinapasa ng mga motorista sa pagpaparehistro ng sasakyan kung galing sa mga insurance seller na awtorisado ng Insurance Commission (IC).
Ipinahayag ni Asec Mendoza ang paalala matapos makatanggap ng mga ulat na may ilang tauhan ng LTO na tumatangging tumanggap ng CTPL mula sa mga may-ari ng sasakyan dahil hindi ito nakuha mula sa kanilang pinapaborang insurance provider.
“Hindi po tama ito. Hangga’t ang CTPL mula sa kumpanyang accredited ng IC, valid ito at pinapayuhan ko ang lahat ng may-ari ng sasakyan na ipaglaban ito dahil kakampi ninyo ako,” ani Asec Mendoza.
“Binabalaan ko rin ang ating mga tauhan na kapag kayo inireklamo o nahuli na tinatanggihan ang vehicle registration dahil ayaw ninyo ng CTPL, magiging malaki ang problema ninyo sa akin,” babala niya.
Nagbigay ng babala si Asec Mendoza bilang tugon sa utos ni DOTr Secretary Vince Dizon na gawing mas maayos at komportable ang lahat ng transaksyon sa LTO para sa mga kliyente ng ahensya.
Kasama rin ito sa naging pag-uusap ng LTO sa transport groups, insurance companies at iba pang stakeholders kaugnay ng pagtaas ng insurance benefits.
Samantala, ibinunyag naman ng mga insurance company na may mga grupo at negosyo na nagbebenta ng CTPL kahit hindi sila awtorisado ng IC.
Tiniyak ni Asec Mendoza na aaksyunan niya ito. “Bukod sa pagbibigay ng babala, magpapakalat din tayo ng mystery customers para mahuli yung mga hindi authorized na magbenta ng insurance at kung sino man ang kakuntsaba nila sa LTO.”
“Tanging ang mga may lisensya mula sa IC ang may karapatang magbenta ng insurance. Lahat ng hindi awtorisado dapat tumigil.
Kung hindi, magsasagawa kami ng operasyon at ilulunsad ang legal na aksyon laban sa kanila,” dagdag niya.
Hinimok ni Asec Mendoza ang mga insurance agents na tiyakin ang tamang datos sa kanilang encoding sa LTO system upang maiwasan ang pagkaantala at aberya sa proseso ng pagpaparehistro.
Maglalagay rin ng mga abiso sa lahat ng LTO offices upang ipaalam sa mga may-ari ng sasakyan na valid ang kanilang CTPL hangga’t mula sa mga kumpanyang accredited ng IC.