Hontiveros Sen. Risa Hontiveros Source: PRIB

Mga ‘biktima’ magpapatotoo sa Senado sa kanilang sinapit sa kamay ni Quiboloy

44 Views
Quiboloy
Pastor Apollo C. Quiboloy

HAHARAPIN ng mga umano’y biktima si Pastor Apollo C. Quiboloy sa nakatakdang pagdinig sa Senado kasama ng mga bagong lumutang na testigo na lumantad na bilang mga biktima ng KOJC lider sa pagdinig sa Senado.

Ito ang ibinunyag ni Senadora Risa Hontiveros kung saan ay sinabi nitong ilan sa mga sinasabing mga survivor ng pang-aabuso mula kay Pastor Apollo Quiboloy ang naghahanda nang magpatotoo sa isang nalalapit na pagdinig sa Senado, habang dumarami ang mga umano’y biktimang nagpapahayag ng kahandaan na ilahad din ang kanilang mga karanasan.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng plea deal na isinagawa ni Marissa Duenas, isang pinagkakatiwalaang administrador ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ni Quiboloy, na umamin sa kanyang partisipasyon sa pagsasaayos ng mga pekeng kasal para sa mga miyembro ng KOJC sa Estados Unidos.

Si Duenas ay nakipagkasundo sa mga awtoridad ng U.S. kapalit ng pagbawas sa kanyang parusa, na itinuring ni Hontiveros bilang isang mahalagang hakbang patungo sa hustisya.

“Palapit na ng palapit ang katarungan para sa mga kawawang biktima ni Apollo Quiboloy sa loob at sa labas ng bansa,” pahayag ni Hontiveros sa isang press conference ngayong Oktubre 10, 2024.

Binigyang-diin pa ni Hontiveros na ang plea deal ay kritikal sa pagsingil kay Quiboloy sa kanyang mga inihaing paratang, kabilang ang human trafficking, pang-aabusong sekswal, at pagsasamantala.

Ipinahayag din ni Hontiveros na ang pagdinig sa Senado, na muling isasagawa sa Oktubre 23, 2024, ay magtatampok ng mga testimonya mula sa mga umano’y survivor ng pang-aabuso.

“We expect more victims to come forward as they gain confidence from their fellow survivors who have already testified,” dagdag niya.

Bukod sa pagdiriwang sa plea deal, ipinahayag din ni Hontiveros ang kanyang pagkadismaya sa desisyon ni Quiboloy na tumakbo para sa Senado sa halalan sa 2025.

“Saan hinuhugot ni Quiboloy ang ganitong lakas ng loob? Pagkatapos mong magtago sa batas?” tanong niya.

Hinimok din ni Hontiveros ang publiko na huwag iboto ang mga kandidatong may kaduda-dudang pagkatao, at binigyang-diin, “Huwag natin bigyan daan ang mga ganitong uri ng kandidato. Let us not elect lawbreakers as lawmakers.”

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, nanawagan si Hontiveros sa iba pang mga akusado na sundan ang halimbawa ni Duenas at makipagtulungan sa mga otoridad.

“Sana tulad ni Ms. Duenas, ay makipagtulungan na ang iba pang kapwa akusado ni Quiboloy. Sana ay pakinggan nila ang kanilang konsensya at isiwalat na ang buong katotohanan.” ani Hontiveros.

Ang mga kaso laban kay Quiboloy, na isinampa sa Pilipinas at sa Estados Unidos, ay kasalukuyan ng nasa korte.

Si Quiboloy ay inakusahan ng pagpapatakbo ng isang scheme ng human trafficking at sekswal na pang-aabuso, gamit ang relihiyon bilang panakip sa kanyang mga ilegal na gawain.