Calendar
Mga delingkwentrong employers: Bayaran nyo SSS ng mga empleyado ninyo!!!
BINALAAN ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo ang mga delingkwenteng employers na bayaran o mag-remit ng Social Security System (SSS) contributions ng mga empleyado dahil may kaakibat ito na pagkakakulong ng anim hanggang 12-taon.
Sa isang panayam, sinabi ni Cong. Tulfo na marami na namang mga empleyado ang lumalapit sa kanyang tanggapan para magpatulong dahil hindi nagbabayad sa SSS ang kanilang mga employer.
“Just last week almost 100 na call center agents ang nagtungo sa opis namin para ireklamo ang kanilang kumpanya”, ani Cong. Tulfo.
Ayon pa sa Deputy Majority Floor leader, “nalaman lang daw nila na hindi nire-remit ng employer nila ang kanilang contribution dahil ng mag-loan sana ang ilan sa kanila, eh di raw naghuhulog si employer”.
“May ilang teacher din sa isang private school sa Cavite, nagsumbong din na walang hulog ang sss nila”, dagdag pa ni Tulfo.
Paalala niya sa mga employer na kapag kinaltasan ang sweldo ng mga empleyado dapat itong i-remit o ihulog sa SSS dahil kung hindi ito ay may kaukulang parusa.
“P5000 to P20,000 ang penalty at anim hanggang 12 taon na pagkakakulong kapag napatunayang hindi hinulog sa SSS ang contribution ng mga empleyado o totally hindi binabayaran ng employer yung SSS nila”, ayon pa kay Rep. Tulfo.
“Paalala rin po sa mga employers diyan ng mga kasambahay, family drivers, at mga houseboy na kailangan bayaran din nila ang SSS ng mga tauhan nila sa bahay”, pahabol ni Tulfo.
Panawagan naman niya sa mga na-agrabyadong mga manggagawa na magtungo lang sa tanggapan ng ACT-CIS sa 81 Mother Ignacia Avenue, Quezon City para matulungan sa kanilang problema laban sa kanilang employer.