Calendar

Mga hakbang para mas tumatag ekonomiya, mas dumami FDI suportado sa Kamara — Chairman Acidre
Kumpiyansa si House committee on overseas workers affairs chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list na magpapatuloy ang mga hakbang ng gobyerno na lalong magpapatatag sa ekonomiya ng bansa at pagpasok ng foreign direct investments (FDI).
Sinabi ito ni Acidre, isang House Assistant Majority Leader, sa gitna ng mga pangamba kaugnay ng negatibong epekto ng pagpapataw ng retaliatory tariffs ni US President Donald Trump sa mahigit 100 bansa kasama na ang Pilipinas.
Kasabay nito ay hinikayat din ni Acidre ang kaukulang opisyal na magsagawa ng malalimang pagsusuri sa direksyon ng ekonomiya ng Estados Unidos sa ilalim ni Trump.
Naniniwala rin si Acidre na hindi direktang apektado ang Pilipinas ng retaliatory tariffs ni Trump.
“Nandiyan ang OFW, nandiyan po ‘yung direct foreign investments sa ating bansa. Wala ho tayong nakikita, kasi usually sa exports po nagkakaroon ng epekto at maging gano’n man, nakita rin natin hindi rin gano’n kataas ang retaliatory tariff na i-impose sa ating exports mula sa Pilipinas,” ani Acidre.
“Ang sa akin na lang ho ay sana ito’y gamitin natin na panahon para magmatiyag, aralin ho natin saan po talaga papunta ang Estados Unidos. I think the most challenging thing about the situation, lahat ho naka-wait and see,” sabi pa niya.
Dagdag pa ng kinatawan ng Tingog na dito nakasalalay ang kahalagahan ng katatagan ng ekonomiya.
“At dito po nakikita natin ang kahalagahan ng ating economic resilience. Dapat po sa mga susunod na taon at pagkakataon ay magkaroon ho ng mga hakbang upang mas lalo pang paigtingin ang ating economic resilience hindi lang ho sa pag-diversify ng ating exports kundi, also sa pagpapalakas pa ng ating local industries at pag-attract pa ng mas maraming direct foreign investments,” giit niya.
Masyado pa rin umanong maaga para matukoy ang magiging epekto ng retaliatory tariff ng US.
“Masyadong maaga po para maisip natin kung paano po talaga ito makakaapekto at marahil…hindi lang sa Pilipinas o mga ekonomista, (they) are all in the wait and see situation. And yes, we might have little legroom para ma-address o gumawa ng hakbang sa aspetong ito,” saad ni Acidre.
Ang mahalaga aniya rito ay ang pagtataguyod ng isang matatag na ekonomiya.
“Nonetheless, this is a wakeup call for us to continue to build on a more resilient domestic economy para din po kahit may mga ganitong pagsubok o ganitong challenges, eh kaya din natin punuan kung ano man,” wika niya.
“Malaking bagay po ang kontribusyon sa ating mga foreign workers, malaking bagay din po ang mga hakbang ng ating administrasyon para makakalap ng karagdagang trading partners hindi lang sa Estados Unidos kundi sa iba’t ibang bansa sa mundo,” ani Acidre.