Dy1

Mga itinatagong lihim ng dating administrasyon ukol sa war on drugs, mabubunyag — Dy

Mar Rodriguez Aug 12, 2024
80 Views

𝗜𝗡𝗔𝗔𝗦𝗔𝗛𝗔𝗡𝗚 𝗺𝗮𝗸𝗮𝗸𝗮𝗹𝗸𝗮𝗹 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗶𝘁𝗶𝗻𝗮𝘁𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗹𝗶𝗵𝗶𝗺 𝗼 “𝗯𝗮𝗵𝗼” 𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗸𝗮𝗹𝗶𝗽𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝗮𝗱𝗺𝗶𝗻𝗶𝘀𝘁𝗿𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗺𝗮𝘁𝗮𝗽𝗼𝘀 𝗺𝗮𝗴𝗽𝗮𝗵𝗮𝘆𝗮𝗴 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗵𝗮𝗻𝗱𝗮𝗮𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗮𝗸𝘁𝗶𝗯𝗼 𝗮𝘁 𝗿𝗲𝘁𝗶𝗿𝗮𝗱𝗼𝗻𝗴 𝗼𝗽𝗶𝘀𝘆𝗮𝗹 𝗻𝗴 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗡𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻𝗮𝗹 𝗣𝗼𝗹𝗶𝗰𝗲 (𝗣𝗡𝗣) 𝗻𝗮 𝗶𝗯𝘂𝗻𝘆𝗮𝗴 𝗮𝘁 𝗶𝗹𝗮𝗻𝘁𝗮𝗱 𝗮𝗻𝗴 𝗹𝗮𝗵𝗮𝘁 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗹𝗮𝗹𝗮𝗺𝗮𝗻 𝗸𝗮𝘂𝗴𝗻𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗺𝗮𝗴𝗱𝘂𝗴𝗼𝗻𝗴 “𝘄𝗮𝗿 𝗼𝗻 𝗱𝗿𝘂𝗴𝘀” 𝗻𝗮 𝗶𝗻𝗶𝗹𝘂𝗻𝘀𝗮𝗱 𝗻𝗶 𝗱𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗴𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗥𝗼𝗱𝗿𝗶𝗴𝗼 𝗗𝘂𝘁𝗲𝗿𝘁𝗲.

Ito ang scenario na nakikita ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na tulad ng kasabihang “walang lihim na hindi mabubunyag”. Posibleng ganito rin ang kasapitan ng dating Pangulong Duterte patungkol sa kaniyang “war on drugs” campaign.

Paliwanag ni Dy na ito rin ang aasahan ng publiko sakaling pormal ng umarangkada at gumulong ang imbestigasyon ng Quad Committee na binubuo ng tatlong pinagsanib na Komite sa Kamara de Representantes para imbestigahan ang mga mahahalagang issue kabilang na ang usapin sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon pa kay Dy, sa pamamagitan ng ibibigay na testimonya ng mga aktibo at retiradong opisyal ng PNP. Mabibigyang linaw ang mga sikreto at lihim ng kontrobersiyal na war on drugs ng administrasyong Duterte kung saan libo-libong inosenteng sibilyan ang namatay.

Sinabi naman ng chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na si Surigao del Norte Cong. Robert Ace S. Barbers na marami aniyang nagpapadala ng “feelers” sa Quad Committee na maaaring makatulong sa gagawin nilang imbestigasyon.

Ayon kay Barbers, welcome ang lahat na nagnanais mgsabi ng katotohanan tungkol sa isasagawang pagdinig ng Quad Committee.

Sabi pa ni Dy, magsasagawa ng pagsisiyasat ang Quad Committee patungkol sa sinasabing kaugnayan ng mga illegal na operasyon ng POGO na may kinalaman din sa illegal drugs o drug trafficking at Extra-Judicial Killings (EJK).