Acidre1

Mga kongresista suportado apela ni Speaker Romualdez sa Senado

Mar Rodriguez May 3, 2024
85 Views

na bigyang prayoridad panukalang magpapababa sa presyo ng bigas

SINEGUNDAHAN ng mga miyembro ng Kamara de Representantes, kabilang ang dalawang kongresista mula sa probinsya na nangunguna sa produksyon ng palay, ang panawagan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Senado na bigyang prayoridad ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication law para mapababa ng P10 hanggang P15 ang presyo ng kada kilo ng bigas.

Sa isang pulong balitaan, inihayag nina Assistant Majority Leader Mikaela Angela “Mika” Suansing (Nueva Ecija, 1st District), Deputy Majority Leaders Faustino “Inno” Dy V (Isabela, 6th District) at Jude Acide (Tingog Party-list) ang apela ni Speaker Romualdez.

“I very much laud and commend from a personal standpoint the appeal of the Speaker to the Senate to expedite the passage of the amendments of the RTL (Rice Tariffication Law),” sabi ni Suansing.

Bilang mula sa isa sa mga probinsya na nangunguna sa produksyon ng bigas, sinabi ni Suansing na malapit sa kanyang puso ang batas, kung saan nakapaloob ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), ang pondo na ginagamit na pantulong sa mga magsasaka mula sa buwis na ipinapataw sa imported na bigas.

Katunayan, sinabi ni Suansing na ito ang paksa ng kanyang thesis sa kanyang master’s degree sa Harvard University.

Siya rin ang kauna-unahang naghain ng panukala para amyendahan ang RTL at ayusin ang RCEF para mas maging epektibo ito at mapababa ang gastos ng produksyon ng bigas at pataasin ang ani at kita ng mga magsasaka.

“So ako po sobrang natuwa ako nuong nagsabi si Speaker na House priority na po ito and more than just indicating it as a House priority, the Speaker actually wants to request the President to certify this bill as urgent, dahil po talagang urgent ito in every sense,” ani Suansing.

“Napakataas po ngayon ng presyo ng bigas sa merkado at ang target po ng ating mahal na Speaker at sana po hinihikayat po namin ang aming mga kaibigan sa Senado na samahan kami dito sa pag-expedite ng approval nito sapagkat ang target po ng ating Speaker ay bago po mag-break ng sine die ngayon pong Mayo ay maipasa na po natin dito sa Kongreso sa third and final reading itong amendments sa RTL, para po pagdating ng Hunyo ay ma-implement na po ito,” sabi pa niya.

Sinang-ayunan din nito ang pagtaya ni Speaker Romualdez na oras na maipatupad ang amyenda ay maaaring bumaba ng P10 hanggang P15 ang kada kilo ng bigas sa pamamagitan ng pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng bigas na binili mula sa mga lokal na magsasaka.

“Kaya bakit po ba mahalaga ito sapagkat sa kasalukuyang porma ng RTL nawala po iyong dating kapangyarihan ng NFA, iyong dati nilang mandate na bumili ng bigas at magbenta ng bigas direkta sa merkado. Ngayon po isa sa mga nakikita nating dahilan kung bakit napakataas ng presyo ng bigas ay ang available lang sa merkado ay iyong commercial rice at lahat po ito ay naglalaro sa P42 para sa well-milled rice hanggang P60-P62 para sa premium rice,” ani Suansing.

Kinumpirma rin niya na ang House Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga ay binibilisan ang pagtalakay sa amyenda sa RTL upang agad itong matapos at mapakinabangan ng mga Pilipino, lalo na ng mga mahihirap.

“Bakit po natin gustong madaliin ito? Dahil agad-agad gusto po nating ma-address ‘yung pressing need for more affordable rice in the market,” dagdag pa niya.

Ipinunto din ni Suansing na ang rice at food inflation ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation o presyo ng mga bilihin.

Katunayan sa year-on-year basis, umakyat ng 24.4 porsyento ang presyo ng bigas.

Naniniwala rin si Dy, na mula sa isa pang lalawigan na pangunahing pinagkukunan ng palay, na panahon nang ibaliksa merkado ang NFA.

“The NFA acts as a safety net para po sa ating mga kababayan. Not only that, it becomes a price regulation tool. By allowing NFA to do its function like before, magkakaroon na tayo ng mas mababang presyo ng bigas sa merkado. At ngayon, hopefully that will lower the prices of other competing well-milled rice, other types of rice. And again, it becomes a safety net para sa ating mga kababayan na hindi makabili ng premium rice, well-milled rice,” wika ni Dy.

“Kung nandyan po ang NFA, again we could supply rice to a cheaper price and mas mapapalaki pa natin ‘yung kita ng ating mga farmers at nako-close po natin ‘yung gap between kita ng farmers and also sa presyo na binibigay po natin sa consumers or napapababa para sa consumers,” sabi pa nito.

Sa panig naman ni Acidre sinabi niya na ang amyenda sa RTL ay magbibigay access sa publiko ng mas murang bigas.

“Ultimately, ang layunin naman natin ay magkaroon ng access sa mas murang bigas ang ating mga kababayan. I think its fundamental for government to ensure na ang pinaka-mahirap, pinaka-vulnerable sa ating pamayanan ay magkaroon ng pagkain sa kanilang hapag kainan,” saad ni Acidre.

Anumang alinlangan sa posibleng korapsyon sa parte ng NFA ay kayang tugunan nang hindi ipinagkakait sa mga mahihirap na makabili ng bigas sa mas abot kayang presyo.

“I think there are more effective mechanisms to reduce the likelihood of corruption other than taking away the access of the poor to more affordable rice,” ani Acidre.

“Bilang may-akda ng RTL at ng panukalang amyenda nito, sinabi ni Suansing, “I will make sure that the way that we craft the provision in terms of reinstating the mandate of NFA would be less prone to corruption, so that’s the assurance that we give on the part of the House…we’ll make sure that the provisions are crafted the right way this time.”