Ortega House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

Mga kulelat na senatorial candidate sinisira PBBM admin, gumagamit ng fake news para umangat sa survey

10 Views

BINATIKOS ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang mga senatorial candidates na malayo sa winning circle batay sa mga survey, na sinisira ang administrasyong Marcos at nagpapakalat ng fake news para makakuha ng media exposure sa halip na ilahad sa publiko ang kanilang plataporma ng pamamahala.

Sinabi ni Ortega na ang mga patuloy sa pag-atake kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at sa Kamara de Representantes ay hindi nakakatulong sa mga kandidato dahil ang hinahanap ng publiko ay ang mayroong plataporma.

“Plataforma kaya ilatag nila at hindi paninira? Tignan natin baka umangat ng konti sa survey mas maganda. Kasi ang tao naghahanap ng resulta ‘yan, naghahanap ng magandang plataporma ‘yan,” ani Ortega.

“Yung iba, bira nang bira sa House of Representatives. Contenders lang naman doon sa grupo nila is parang isa o dalawa,” dagdag niya.

Ayon kay Ortega, ang ilang kandidato na mahilig manira sa Pangulo at sa Kongreso ay nasa dulo ng rankings.

“‘Yung iba, ‘yung mga pambibira sa Presidente, sa House of Representatives, sila ‘yung mga number 50, number 40. Kumbaga sinasakyan nila ‘yung kasikatan ng Presidente saka ng nagagawa niya,” aniya.

Binigyang-diin niya na ang tunay na lider ay nagbibigay ng solusyon at hindi lamang nagpapapansin tuwing eleksyon.

“Kahit saan namang lugar—sa probinsya, sa school government— kailangan ang ilalatag mo plataporma, hindi ‘yung nandyan ka naman tuwing kampanya,” sabi niya.

Dagdag pa ni Ortega, patuloy na nagkakalat ng mga paninira ang ilang kandidatong ito kahit na hindi sila tinatangkilik ng mga botante.

“Parang wala lang, sumasakay sila, naninira sila, hindi naman sila umaangat sa survey. Feeling ko nga pag tumakbo ako baka mas mataas pa ako sa kanila,” biro niya.

“Feeling ko mas sikat ako ng konti sa kanila,” dagdag pa niya.

Giit ni Ortega, ang tunay na lingkod-bayan ay nakikilala dahil sa nagagawa nilang mabuti, hindi sa paninira ng iba.

“Kasi sumisikat kapag gumagawa ka ng magagandang bagay, hindi ‘yung mga hindi magagandang bagay,” aniya.

“Ang daming achievements, ang daming ginagawa, ang daming solusyon na napo-provide. Ito namang mga nasa dulo na mga tumatakbong senador, kung anu-ano na lang iniisyu para lang, siyempre, maka-grab sila ng media mileage,” dagdag pa niya.

Binatikos din niya ang mga kandidatong gumagamit ng smear tactics sa halip na maglahad ng konkretong programa para sa bayan.

“Sasakyan natin ito para sumikat tayo. Ang problema, puro paninira,” aniya.

Pinuna rin niya ang mga kandidatong puro pangako pero walang nagawang totoong serbisyo.

“Sesementuhin mo lahat ng hindi nasemento, papasemento mo ‘yung dagat. You will promise the heavens to the people. Eh nasaan ka ba noong dalawang taon at kalahati? Wala ka naman,” aniya.

Paliwanag ni Ortega, ang mga nakaupo sa gobyerno ay patuloy na nagsisikap upang makapaghatid ng resulta, habang ang ibang kandidato ay lumilitaw lang tuwing eleksyon para samantalahin ang mga isyu.

“Eh ‘yung mga nandyan, nagsisilbi na nakaupo, nandyan sila for how many years, for how many months na nagsisilbi. Tapos pupunta ka dito, sasakyan mo ‘yung issues, ‘yun ang pang-kampanya nila,” aniya.

“Kaya kung ako sa kanila, plataporma ang ilatag nyo, huwag ‘yung paninira,” dagdag niya.