Calendar
Mga kuwentong kababalaghan mula sa mga taong nasa loob ng Malacañang
SA mga tahimik na oras sa pagitan ng mga shift, nagkakapalitan ng mga kuwento ang mga guwardiya, tagalinis, at mga kawani ng Malacañang tungkol sa mga bisitang hindi nakikita — mga halakhak na umuugong sa bakanteng pasilyo, mga yabag sa marmol na sahig, at mga aninong bigla na lang naglalaho.
Para sa mga matagal nang nagtrabaho sa likod ng tarangkahan ng kapangyarihan, karaniwan na ang mga kuwentong multo — kasingkaraniwan ng pagpapalit ng administrasyon. Para sa kanila, ang Malacañang ay hindi lang upuan ng pamahalaan, kundi tahanan ng mga alaala — at marahil, ng mga nilalang na hindi kailanman umalis.
Ang mga batang hindi nakikita
Para kay Master Sergeant Ramsam Gordo, isang presidential guard sa loob ng 28 taon, tila lumalapot ang hangin sa paligid ng Malacañang — para bang muling humihinga ang kasaysayan mismo.
Naririnig niya ang mga bulong, halakhak ng mga batang di nakikita, mga yabag na umaalingawngaw sa mga pasilyong minsang tinahak ng mga pangulo at bayani.
Simula 1998, saksi si Gordo sa pag-angat at pagbagsak ng mga administrasyon — at sa mga bagay na tila hindi kayang ipaliwanag ng lohika.
Naalala niya ang unang kababalaghang naranasan habang naka-duty sa paanan ng grand staircase bandang ala-una ng madaling araw.
“May naririnig akong mga batang naglalaro, nagtatakbuhan, nag-iingay doon sa taas sa Rizal Hall,” aniya. Umalis siya sa pwesto at umakyat, inakalang may mga batang anak ng kawani na nakatakas.
“Pag-akyat ko sa taas, wala namang katao-tao. Pinasok ko pa hanggang sa kaloob-looban. Wala talaga. Tinitingnan ko ‘yung mga kasulok-sulukan baka nagtatago lang — wala talaga,” dagdag niya.
Ang Lalaking Naka-Barong
Sa main lobby, mahigpit na binabantayan ng mga guwardiya ang marangyang pasukan ng Palasyo. Isang gabi, sigurado si Gordo na tatlo ang nakatayo sa pwesto — gayong dalawa lamang dapat.
“Tatlo silang nakabarong,” giit niya, ngunit sinabi ng isa sa mga guwardiya na dalawa lamang ang naka-duty.
Makalipas ang ilang araw, may lumabas na larawan na kuha sa gabi — isang malabong pigura ng lalaking naka-barong, tila walang ulo, na nakatayo sa lobby.
Ang Mag-asawang Nakatitig sa Bintana
Para kay Rian Cortel, isang tagalinis na halos dalawang dekada nang nasa Palasyo, higit pa sa mga alaala ang nananatili sa Rizal Hall.
“Pag-akyat ko sa hagdanan, sa may bandang glass window, sabi ko parang may tao. Wala namang pumupunta doon ng gano’ng oras. Akala ko may naligaw na bisita,” aniya.
“Sabi ko, hindi taga-rito ‘to. Ito siguro ‘yung sinasabi ng mga kasama ko na may mga nakikita dito — nakaputi, parang mag-asawa, nakatayo lang, nakatingin sa labas.”
Mga Doppelganger, Monghe, at mga Sundalo
Si Laylanie de Dios, mahigit isang dekadang kawani ng Palasyo, ay ilang beses nang nakatagpo ng mga taong biglang naglalaho — at minsan pa nga’y nakikipag-usap sa kanya.
Lalo raw ito nangyari sa mga pasilyo ng Roxas, Quirino, at Quezon.
Sa kasagsagan ng pandemya, habang naka-quarantine sa loob ng compound, nag-video call ang chef na si Katrina Matias sa kanyang anak.
“Sabi ng anak ko, ‘There’s two. Does she have a twin?’”
“Naririnig na namin noon na may mga doppelganger talaga sa opisina. Parang gusto lang nilang magparamdam,” sabi ni Matias.
Ayon kay De Dios, minsan din niyang nakita ang isang mongheng nakasuot ng kulay maroon, mga sundalong nakabahag at sombrero, at isang dambuhalang pigura na dumaan sa kanyang tabi.
Ang Chef na Naka-Itim na Jacket
Maging ang kusina ng Palasyo ay may sarili ring multo. Kuwento ni Matias, minsang pumasok sa lumang kusina ang isang lalaking nakasuot ng itim na chef’s jacket — kulay na hindi ginagamit ng sinumang staff doon.
“Nasa old kitchen ako noon, nagta-trabaho. May nakita akong pumasok na naka-itim. Pero dito, puti lang talaga suot namin,” ani Matias.
Nang ikinuwento niya ito sa mga kasamahan, sinabi nilang baka nakita niya ang dating head chef — matagal nang pumanaw.
Ang ‘Workaholic’ na Waiter
Isang umaga, bumati kay Rhiza Mullet ang isang hindi pamilyar na waiter.
“Good morning, Ma’am!” bati nito, bago tuluyang maglaho.
Maya-maya, tinanong ni Mullet ang mga kasamahan kung sino ang lalaki. Tahimik silang lahat bago isa ang nagsalita:
“Wala na ‘yun. Namatay siya sa Covid. Sobrang workaholic daw ‘yung waiter na ‘yun.”
“Sobrang busy nila sa buhay, hindi na nila nadidistinguish kung buhay pa sila o patay na,” sabi ni Mullet.
Ang Galit na Lalaki sa Silya
Sa isang Palace tour, napansin ni Mullet ang isang malaking lalaki na nakatayo sa tabi ng antigong upuan na minsang ginamit ng mga pangulo.
“Niloloko namin, sabi namin upuan namin ‘yan. Bigla siyang nagalit. Ang bigat ng pakiramdam ko, nanlamig ako. Napatitig ako sa mata niya, tapos yumuko na lang ako kasi lumapit siya,” aniya.
“Ang lamig ng kamay ko, nagtayuan ang mga balahibo ko. Galit na galit siya.”
Hinila siya ng mga kasamahan palayo habang pinipilit niyang kumalma.
Sa huli, natutunan na raw ni Mullet na mamuhay kasama ang mga di-nakikita.
“Sa Malacañang, parang normal na lang ang kababalaghan.” Philippine News Agency

