Calendar
IBA’T IBANG URI NG KAPITBAHAY — Ang mga puntod na nasa tabi ng taniman ng gulay ay karaniwang tanawin sa iba’t ibang bahagi ng Benguet at ng buong Cordillera Administrative Region, kung saan inilibing ang mga yumao sa tabi ng kanilang mga bahay o sa loob ng kanilang mga ari-arian. Ayon kay Atok Mayor Franklin Smith noong Biyernes (Okt. 31, 2025), wala pa silang itinatayong pampublikong sementeryo dahil naniniwala pa rin ang mga mamamayan na nananatili ang mga espiritu ng mga yumao sa piling ng mga buhay.
PNA
Paniniwala sa Benguet na mga yumaong mahal sa buhay patuloy na gumagabay buhay na buhay
LUNGSOD NG BAGUIO – Ang paniniwala ng mga taga-Benguet na ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay ay patuloy na nagbibigay ng gabay at proteksiyon sa kanilang pamilya ay nananatili hanggang sa kasalukuyan.
Dahil dito, marami pa rin sa mga mamamayan ang naglilibing ng kanilang mga patay sa loob ng kanilang sariling lupain bilang bahagi ng kanilang kultura, at na rin sa praktikal na kadahilanan dahil wala itong dagdag na gastos.
Sa isang panayam noong Biyernes, sinabi ni Mayor Franklin Smith ng bayan ng Atok:
“Lumaki kami sa kaugalian ng pagiging malapit sa pamilya kaya inilibing namin ang aming mga patay malapit sa aming tirahan. Sa ganitong paraan, mas madali naming nadarama ang pagdadalamhati at pagharap sa pagkawala dahil nakikita pa rin namin ang puntod na malapit sa amin.”
Sa kasalukuyan, ang bayan ng Atok at Kabayan lamang sa Benguet ang wala pang naitatayong pampublikong sementeryo.
Ayon sa Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng mga lokal na pamahalaan, kailangang matukoy ang lupang ilalaan bilang pampublikong libingan para sa mga nais ilibing doon ang kanilang mga mahal sa buhay.
“Sa aming kultura, naniniwala kami sa mga kaugalian ng aming mga ninuno na ipinamana sa bawat henerasyon, kaya’t hindi kami nagkaroon ng sementeryo noon. Inilibing namin ang aming mga yumao sa aming lupain, at ito rin ay nagsisilbing patunay ng pagmamay-ari ng pamilya sa lupa,” paliwanag ng alkalde.
Ngunit dahil sa pagbabago ng panahon at pangangailangan ng lokal na pamahalaan, wala na silang ibang pagpipilian kundi magpatayo ng pampublikong sementeryo.
Natukoy na ng LGU ang tatlong posibleng lugar para rito sa mga barangay Poblacion, Naguey, at Pasong, ngunit kinakailangan pa ang konsultasyon sa mga mamamayan.
“Ipinaaalam na namin na magkakaroon ng pampublikong sementeryo ngunit hindi ito minamadali dahil kakaiba ito sa nakasanayan. Hindi rin ito unang pagkakataong iminungkahi ito, ngunit dahil sa kakulangan ng interes ng LGU at ng mga mamamayan, palaging naaantala ang plano,” dagdag ni Smith.
Samantala, ayon kay Atty. Roland Calde, direktor ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)-Cordillera, ang kaugalian ng mga taga-Benguet na ilibing ang kanilang mga patay sa bakuran ay namana pa sa mga naunang henerasyon, noong wala pang mga sementeryo sa kanilang komunidad.
Walang nakasulat na tala tungkol sa ganitong kaugalian, ngunit naging praktikal na paraan ito ng paglilibing na nananatili hanggang sa kasalukuyan.
Si Lorna Tumilang, isang guro at purong dugong Kankanaey mula sa Buguias, Benguet, ay nagsabi na inilibing nila ang kanilang lolo sa bakuran ng kanilang compound, kung saan nakatira ang kanyang mga tiyuhin, tiyahin, at mga pinsan.
“Ang lolo ko ay inilibing sa bakuran, sa gitna ng mga bahay ng kanyang mga anak, para patuloy niya kaming maalagaan,” ani Lorna sa wikang Ilocano.
Dagdag pa niya, ang kanyang lolo na isang mambunong (katutubong pari) ay matibay ang paniniwala na nananatili sa piling ng mga buhay ang mga espiritu, at kailangang mag-alay ng karne sa mga ito sa pamamagitan ng ritwal.
Ibinahagi rin ni Lorna na ang labi ng kanyang tiyahin na inuwi mula sa United Kingdom ay inilibing sa basement ng bahay na itinayo sa lupang minana nito mula sa kanilang ama.
“Kahit na banyaga ang asawa at anak niya, walang sinuman ang maaaring magbenta ng lupa dahil sa paniniwala naming nananatili roon ang may-ari at binabantayan pa rin ang kanyang tahanan kahit sa kabilang buhay,” dagdag pa niya.
Kaligtasan tuwing Undas
Samantala, sinabi ni Maj. Edwin Sergio, tagapagsalita ng Benguet Police Provincial Office, na ang paggunita ng Undas (All Saints’ at All Souls’ Days) ay karaniwang mapayapa at taimtim sa probinsya, lalo na sa Atok at Kabayan, kung saan ang mga yumao ay nakalibing mismo sa tabi ng kanilang mga tahanan.
Gayunman, sa ibang bahagi ng probinsya ay mayroong 32 pampublikong sementeryo at 33 memorial park at columbarium.
“Ang pinakamalalaking sementeryo ay nasa La Trinidad dahil ito ang tinuturing na ‘melting pot’ at marami na ang tumanggap ng modernong paraan ng paglilibing sa sementeryo, maging ang pagsusunog ng labi kaya may mga columbarium na rin,” paliwanag ni Sergio. PNA

