Fertilizer

Mga magsasaka inudyok yakapin ang modernisasyon

Cory Martinez May 10, 2024
168 Views

UPANG makaagapay ang mga magsasaka sa pag-imbulog ng teknolohiya, naglunsad ang Bureau of Soils and Water Management ng Department of Agriculture (DA-BSWM) ng mobile application na awtomatikong magrerekomenda ng tamang fertilizer para sa kanilang mga pananim.

Inilunsad ng DA-BSWM ang Fertilizer Recommendation Mobile Application sa isinagawang semi-annual meeting ng Philippines National Soil Laboratory Network (PhilNASOLAN) noong isang Linggo.

Ayon kay BSWM Director Gina P. Nilo, kailangang akapin ang modernisasyon upang mapaigting ang tulong na kanilang ibinibigay sa mga magsasaka sa larangan ng patubig at tamang paggamit ng lupang pangsaka.

Pangunahing layunin ng naturang mobile application ang pagbibigay ng tamang rekomendasyon ng mga tamang fertilizer sa bawat tanim sa loob lamang ng isang minuto.

Makakatulong din ito sa tamang pamamahala ng fertilizer; pagbawas sa pagkakamali sa paggamit ng fertilizer; ang pagsulong sa paggamit ng inorganic fertilizers at mabigyan ng kapangyarihan ang mga magsasaka at stakeholder na makapag-ani ng sobra-sobra sa pamamagitan ng sustainable practices.

Maaari lamang i-download ang naturang application sa mga Android devices sa pamamagitan ng Google Play sa lalong madaling panahon.

Sa ngayon, maaari munang ma-access ang application sa pamamagitan ng QR code. Matapos na scan ang QR code, maaaring i-download ang application mula sa link na ito –
https://www.bswm.da.gov.ph/scan-and-download-the-launch-of-the-bswm-fertilizer-recommendation-mobile-app/