Martin1

Mga magsasaka nagpasalamat kay Speaker Romualdez sa pagsuporta sa solar-powered irrigation system

17 Views

MATAPOS ang pagpapasinaya sa P50-milyong Castañas Centro Communal Irrigation System, nakisalo si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa isang masayang boodle fight kasama ang mga magsasaka upang ipagdiwang ang tagumpay ng bagong solar-powered pump irrigation project sa Barangay Castañas, Sariaya, Quezon.

Nakahain sa mga dahon ng saging ang mga masasarap na putahe ng lalawigan ng Quezon na pinagsaluhan ni Speaker Romualdez, mga magsasaka, miyembro ng irrigators association at mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA).

Nakasama ni Speaker Romualdez sa boodle fight sina Barangay Chairman Cenon Albina ng Castañas Centro at Frederico Alday, pangulo ng Castañas Centro Irrigators Association.

Dito kanilang ibinahagi kung paanong dumaan sa matinding krisis ang kanilang komunidad dahil sa kakulangan ng tubig, na siyang nagtulak sa marami na tumigil na sa pagsasaka.

Sa pagtatayo ng solar-powered irrigation system, sinabi ni Alday na muling nabuhay ang kanilang mga bukirin at nagkaroon sila ng bagong pag-asa.

Nauna nang ibinahagi ni Alday kung paano binago ng proyekto ang mga sakahan upang dumami ang kanilang ani.

“Lubos-lubos po ang aking kagalakan. Noong panahong wala pa po itong solar irrigation project, ang akin pong mga kasama ay umaani pa rin pero napakalaki po ng gastos nila dahil sa sobrang mahal ng bilihin sa krudo,” ani Alday kay Speaker Romualdez.

“Kaya naman po nang nagkaroon na ng solar irrigation, unti-unti ko pong nakikita ang saya, ang sigla ng palayan, at ng mga kasama kong magsasaka dito sa Brgy. Castañas. Napakalaki po ng benepisyo,” dagdag pa niya.

Ikinuwento rin niya na dahil sa tagtuyot, marami sa kanilang mga ka-barangay ang napilitang tumigil sa pagsasaka.

Ngunit sa tulong ng kooperasyon ng Castañas West Irrigators Association, mga may-ari ng lupa at ng NIA Quezon ay tuluyang naisakatuparan ang proyekto.

Sabi naman ni Albina, binigyang-buhay ng proyekto ang kanilang mga lupang sakahan na noon ay pangarap lamang ang paggamit sa mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka, para maparami ang kanilang ani.

“Lubos po ang pasasalamat ng inyong Punong Barangay. Sa oras pong ito, amin na pong nakamit ang matagal na naming pinangarap—hindi na po ito pangarap kundi katotohanan na po dito sa Brgy. Castañas,” ani Albina.

Ang salu-salo sa isang pananghalian ay sumisimbolo sa pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan para sa kaunlaran ng kanayunan.

Sakop ng solar irrigation project ang 50 ektarya at nakikinabang dito ang 33 pamilyang magsasaka para sa isang tuloy-tuloy at mas murang suplay ng tubig, habang binabawasan ang pagdepende sa mamahaling diesel pump.

Tinatayang nakakatipid ang mga magsasaka ng humigit-kumulang P80,000 kada taniman dahil sa sistemang solar.

Kasabay nito ay hinikayat ni Romualdez ang mga magsasaka na pagyabungin ang nakamit na progreso: “Kaya’t hinihikayat ko kayong pangalagaan, pagyamanin, at palakasin ang mga benepisyo ng proyektong ito—para sa inyo, para sa inyong mga anak, para sa susunod pang mga henerasyon,” aniya.

Muling iginiit ni Speaker Romualdez ang pangako ng House of Representatives na palawakin pa ang matutulungan ng solar irrigation systems sa buong bansa.

Ipinahayag niya ang mensaheng una na rin niyang sinabi sa mga magsasaka noong 2025 Nationwide NIA-Irrigators Association Congress na patuloy na maglalaan ang Kongreso ng bilyun-bilyong dagdag na pondo sa NIA upang mas maraming komunidad ang makinabang sa ganitong mga proyekto.

“Sa kabila ng mga hamon ng nagbabagong klima, naging pagkakataon ang pagtatayo ng solar irrigation upang mapaigting ang implementasyon ng renewable energy projects sa buong bansa,” ayon kay Speaker Romualdez.

Ang boodle fight ay hindi lamang pagpapakita ng pasasalamat, kundi simbolo rin ng lumalakas na diwa ng pagkakaisa, pagbangon at tiwala sa sariling kakayahan, bunsod na rin ng mga solar irrigation project sa mga liblib na mga komunidad na dating napag-iiwanan.