Calendar
Kasama ni Connie si Imelda Lagmay (kanan), na kapwa taga-Pangasinan, at nagtapos din sa KSK Farming Program. Katulad niya, ginawang karagdagang pinagkakakitaan ng kanilang pamilya ang pagsasaka ng gulay, hindi lang sa kanilang bakuran kundi maging sa bahagi ng kanilang palayan.
Mga magsasaka tinatanim landas tungo sa pinansyal na seguridad sa pamamagitan ng backyard gardening
SA loob ng maraming taon, maraming Pilipinong magsasaka ang hindi makaahon sa paulit-ulit na siklo ng utang at kawalan ng sapat na kita sa pagsasaka. Ngunit sa pamamagitan ng Kabalikat sa Kabuhayan (KSK) Farming Program ng SM Foundation, natutulungan ngayon ang mga benepisyaryo na magkaroon ng maaasahang pagkakakitaan mula sa agrikultura.
Isa sa mga natulungan ay si Connie Flores, isang ina ng anim na anak at nagtapos sa urban gardening program ng KSK noong 2023. Bagamat wala siyang pormal na kaalaman sa pagsasaka, natutunan niyang yakapin ang pamumuhay ng pamilya ng kaniyang asawa na nagtatanim ng gulay para sa sariling konsumo.
“Mahirap po ang magsaka. Dahil wala po kaming puhunan noon, lagi kaming umuutang. Kaya kapag umani, ipangbabayad lang po ulit namin,” pagbabahagi ni Connie.
Matapos siyang sumali sa KSK, napagtanto niyang puwedeng gawing hanapbuhay ang pagtatanim. Sinimulan niya ang integrated farming – nagtanim ng gulay sa bakuran at sa gilid ng kanilang palayan upang mapakinabangan ang bawat sulok ng lupa. Sa tulong ng KSK, natutunan niyang magtanim ng mga high-value crops tulad ng patola, okra, at sitaw—mga gulay na karaniwang ginagamit sa mga tahanang Pilipino.
“Kung hindi dahil sa KSK, hindi ko matututunang magtanim at magbenta ng iba’t ibang gulay. Dito ko napatunayan na kaya ko palang kumita at tumayo sa sarili kong paa. Pinalitan ko na ang dating mentalidad na pangkaraniwang housewife lang ako—may kakayahan din akong kumita para sa pamilya,” ani Connie.
Layunin din ng KSK na bigyan ng akses sa merkado ang mga tulad ni Connie. Matapos ang pagsasanay, binibigyan ang mga nagtapos ng pagkakataong makapagtinda sa SM Weekend Market, kung saan maaari nilang direktang ibenta ang kanilang ani sa mga mamimili.
Para naman kay Maricel Badua, lubos na nagbago ang kanyang buhay dahil sa KSK. Isang inang may apat na anak at dating barangay health worker, sumali siya sa programa noong 2023, kahit wala siyang karanasan sa pagsasaka.
“Marami na po akong natutunan na ina-apply ko na po ngayon sa aking araw-araw na pamumuhay,” aniya.
Mula sa munting backyard garden, nakaani siya ng sapat upang makapagsimulang magbenta sa SM City Urdaneta Weekend Market—katulad ni Connie.
“Binigyan po kami ng SM ng pagkakataon na magtinda sa harapan mismo ng SM City Urdaneta. Ang laki ng naitulong sa aking buhay at sa aking pamilya. Sa unang sabak ko po sa pagtitinda doon, hindi ko po akalain na ganoon karami ang bibili—na mababawi ko po ang puhunan ko at magkakaroon din po ng tubo,” kwento niya.
Ngayon, laging sold-out ang kaniyang mga produkto tuwing weekend. Dahil dito, sinimulan na rin niyang bilhin ang ani ng kaniyang mga kapwa KSK graduates upang muling ibenta—isang komunidad ng kooperasyon ang kanyang nabuo.
Sa pamamagitan ng disiplina sa pagba-budget at muling pamumuhunan ng kita—mga natutunan din sa KSK—lumago ang kanyang kita. Mula sa dating P4,000 kada buwan, ngayo’y P15,000 kada linggo na ang kanilang kinikita. Tinutulungan na rin siya ng kanyang asawang tricycle driver sa kanilang pwesto.
“Matagal ko na pong pangarap maging negosyante. Sa tulong ng SM Foundation, ito po ay natupad,” ani Maricel habang nakangiti.
Ngayon, kaya na niyang bayaran ang tuition ng mga anak at mas naaalagaan ang pamilya.
“Mas natututukan ko na po ‘yung pamilya ko. Nabibili ko na po ‘yung mga gusto kong bilhin para sa mga anak ko. May naitatabi na rin po ako. Nakakakain na po kami sa labas, noon hindi po. Dati, hindi po ako nakakabayad sa school, ngayon nakakabayad na ako. Nakakabili na rin po ako ng bigas, hindi ko na ito inuutang,” aniya habang pinapahid ang luha.
May mas malalaking pangarap na ngayon si Maricel: ang magtayo ng panibagong pwesto at balang araw ay magkaroon ng sariling bahay at lupa.
“Ngayon, hindi na po imposible ang mga pangarap ko, unti-unti ko na po silang natutupad.”
Habang patuloy na ginagawang kabuhayan ng mga nagtapos sa KSK ang pagsasaka, mas napapalapit sa katuparan ang bisyon ni Henry Sy, Sr. na ang agrikultura ay makapagbibigay ng bagong pag-asa at kabuhayan sa mga Pilipino.

