Sara

Mga mayor sa Bulacan sumuporta kay Mayor Sara

276 Views

NAGPAHAYAG ng pagsuporta kay Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte ang alkalde ng iba’t ibang bayan sa Bulacan.

Sa ikatlong pagkakataon mula ng magsimula ang kampanya, muling nangampanya si Duterte sa Bulacan at kanyang nakuha ang suporta nina Baliuag Mayor Ferdinand Viceo Estrella, San Miguel Mayor Roderick Tiongson, Pandi Mayor Enrico Roque, San Ildefonso Mayor Carla Galvez-Tan, Bustos Mayor Francis Albert “Iskul” Juan, at Plaridel Mayor Anastasia “Tesie” Vistan.

Nagpahayag din suporta sa alkalde ng Davao City si Board Member Cholo Violago na tumatakbong mayor sa San Rafael.

Nagpasalamat si Duterte sa mga lokal na pamahalaan na nagpahayag ng suporta sa kanya.

Dumalo si Duterte sa Sara para sa Barangay event sa Waterwood Basketball Covered Court, Waterwood Park Subdivision, DRT Highway, Barangay Pagala, Baliuag, Bulacan matapos ang pananghalian na inihanda ni Estrella.

Si Duterte ay sinamahan ng kanyang campaign manager na si House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD.

Linggo ng umaga ay dinalaw ni Duterte ang mga Dumagat sa Barangay Kalawakan, Doña Remedios Trinidad.

Pumunta din ang nangungunang vice presidential candidate sa Sara para sa Barangay event sa School of Mount St. Mary Gymnasium sa San Miguel.

Ayon kay Mayor Tiongson sumusuporta kay Duterte ang 49 barangay sa bayan ng San Miguel na kaya umanong magbigay ng 100,000 boto.

Si Duterte ay sinamahan nina senatorial candidate Herbert “Bistek” Bautista, at Robin Padilla, at anak ni dating Sen. Jinggoy Estrada na si dating San Juan City Vice Mayor Janella Ejercito Estrada.

Matapos mangampanya sa Bulacan, sinamahan ni Duterte ang UniTeam sa Barangay Potrero sa Malabon City para sa isang grand rally.

Sina Duterte at ang kanyang running mate na si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay kapwa nangunguna sa mga survey.