Alyansa ALYANSA SA PAMPANGA – Ang Alyansa para sa Bagong Pilipinas ay nagtungo sa Pampanga ng Miyerkules. Naroon sina Sen. Lito Lapid, Pampanga Vice Gov. Lilia “Nanay Baby” Pineda, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Deputy Speaker Camille Villar, Makati City Mayor Abby Binay, Sen. Ramon “Bong” Revilla, Sen. Manny Pacquiao at Pampanga Gov. Dennis “Delta” Pineda. Photo mula sa Radyo Pilipinas

Mga Pineda, Kapampangan suportado pambato ng pro-PBBM Alyansa sa Senado

19 Views

BUONG puwersang politikal ng Pampanga, sa pangunguna nina Governor Dennis “Delta” Pineda at Vice Governor Lilia “Nanay Baby” Pineda, ang nagpahayag ng kanilang buong pagsuporta nitong Miyerkules sa 11 pambatong senatorial candidates na ineendorso mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.

Sa isang napakalaking pagpapakita ng puwersa at pagkakaisa, dumalo ang mga top officials ng Pampanga kabilang ang mga mayor, board member at mga lider ng barangay kasama ang libo-libong mga Kapampangan sa apat na venue sa mga lungsod ng Angeles at San Fernando para sumuporta sa pangangampanya ng administration coalition.

Sa lokal na dayalekto ng Pampanga, sinabi ni Governor Pineda sa isang venue na “narito tayo ngayon upang maluwag na tanggapin ang ‘Alyansa’. Napakahalaga para sa aming mga Kapampangan na ipakita kung paano namin i-welcome ang mga pambato ng administrasyon.”

Idinagdag pa ni Pineda, “Ang aming pagsuporta sa Alyansa ay inaasahang makakatulong sa buong lalawigan sa hinaharap sa pamamagitan ng mga proyektong pakikinabangan ng mga Kapampangan. Kaya napakahalaga po para sa amin na sila ay suportahan.”

Kasama sa Alyansa ticket sina dating Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senador Ramon “Bong” Revilla, Senador Pia Cayetano, dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, Senador Lito Lapid, dating Senador Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino, dating Social Welfare Secretary at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, at Deputy Speaker Camille Villar.

Ayon kay Alyansa campaign manager at Navotas City Rep. Toby Tiangco, ang buong suporta ng mga opisyales ng Pampanga ay nagpapakita ng lumalakas pang pangangampanya ng koalisyon habang lumalapit ang midterm elections sa Mayo.

“Isa po itong napakalakas na pagpapakita ng suporta. Lumabas at dumalo ang napakalaking bilang ng mga Kapampangan, grabe ang enerhiya sa mga venue at talaga namang nakakataba ng puso,” sabi ni Tiangco patungkol sa libo-libong Kapampangan na dumalo sa apat na venue ng kanilang campaign sortie.

“Nagpapasalamat po kami kay Governor Delta, Vice Governor Nanay Baby, at sa lahat ng Kapampangan leaders sa pagtindig para sa Alyansa,” dagdag nito.

Buong pusong tinanggap ng mga Kapampangan ang Alyansa slate sa apat na major venue ng kanilang campaign sortie na ginanap sa Lapid Arena Sports Complex sa Angeles City, sa Laus Events Center, sa Kingsborough International Convention Center at sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando.

Sa bawat venue, tinanggap ng maingay na pagsalubong at full endorsement ng mga lokal na lider at mga residente ang Alyansa slate.

Hinati-hati ang mga mayor at local officials mula sa 19 na bayan, kabilang ang highly urbanized city ng Angeles at mga component cities ng San Fernando at Mabalacat, sa apat na campaign venues ng koalisyon.

Partikular na nakatanggap ng dumadagundong na pagsalubong mula sa kanyang mga kababayang Kapampangan si Senator Lapid, na nagmula sa Porac at minsang naging gobernador ng Pampanga, na patunay sa kanyang pagiging popular sa lalawigan.

Nananatili ang Pampanga bilang matatag na puwersang politikal sa mga national election dahil sa taglay nitong 1.67 milyong rehistradong botante at halos 87 porsiyentong voters turnout noong 2022 polls.

“Handa po ang Alyansa na ipaglaban ang bawat boto at magtagumpay kasama ang sambayanang Pilipino,” dagdag ni Tiangco.

“Hindi po ito basta lamang tungkol sa pagpanalo ng puwesto sa Senado. Bagkus, tungkol po ito sa pagbuo ng Senado na totoong magdedeliber,” punto pa ni Tiangco.