Atty. Manases Ikinakampanya ni Atty. Manases “Mans” Carpio na iboto ang kanyang misis na si vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte at ang presidential running mate nitong si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa proclamation rally sa harap ng Carmen Municipal Hall sa North Cotabato. Kuha ni VER NOVENO

Mister ni Mayor Sara ikinampanya si BBM

278 Views

SUMABAK na sa kampanya si Atty. Manases “Mans” Carpio, ang mister ni vice presidential candidate Sara Duterte, at ikinampanya si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa kanyang pagsasalita sa campaign rally sa Carmen, North Cotabato, nanawagan si Carpio na iboto ang kanyang misis na si vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte at ang running mate nitong si Marcos.

“Sa May 9, suportahan ninyo si Inday Sara para bise presidente. Maaasahan ko ba ho kayo? Maaasahan po natin ‘yon? Sino ang ating bise presidente? Ang ka-tandem ni Inday Sara, siyempre si BBM, Bongbong Marcos para president!” sabi ni Carpio.

Ito ang unang pagkakataon na sumama sa campaign rally ng UniTeam si Carpio. Isinama rin ng mag-asawa ang dalawa sa kanilang mga anak na sina Mateo Lucas o Stingray, at Marko Digong o Stone Fish.

Sinabi ni Carpio na nagkawatak-watak ang mga Pilipino dahil sa pulitika kaya dapat itong pag-isahin pagkatapos ng halalan.

“After ng May 9 election, wala na tayong color, isang color nalang, white, which stands for unity,” sabi ni Carpio na sinambit din ang mga katagang “sama sama tayong babangon muli, mahalin po natin ang Pilipinas!” na siya ring sinasabi nina Marcos at Duterte.

Sinabi naman ni Marcos na ang layunin ng UniTeam ay magkaisa ang mga Pilipino.

“Yan po ang aking layunin, ‘yan po ang aking hangarin, ang pangarap natin para sa Pilipinas, ang pangarap natin para sa minamahal nating kababayan. Kaya naman po, ito po ay inaantay po natin yang araw na yan, ngunit darating yan sa pagkakaisa natin sa pagtutulungan nating mga Pinoy, sa pagmamahal nating mga Pilipino sa isa’t isa,” sabi ni Marcos.

Kinilala naman ni Duterte ang mga karanasan sa pulitika ni Marcos na siyang dahilan kung kaya napili niya itong kapareha sa paparating na eleksyon.

“Sa trabaho dapat isip manager, isip decision maker, at problem solver ang ating president of the Republic of the Philippines,” dagdag pa ni Duterte.

Si Duterte naman ay naging alkalde at vice mayor ng Davao City. Sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nabayaran ang mga utang ng pamahalaang lungsod.