Vic Reyes

Misyon ni PBBM na paunlarin ang PH sinisira ng ibang grupo

Vic Reyes Jan 18, 2026
184 Views

MALIGAYANG bati sa ating mga suki, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Mama Aki ng Ihawan, Roana San Jose, Glenn Raganas, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Endo Yumi, Hiroki Hayashi, at kay Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God bless sa inyong lahat!

(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa:+63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

***

Hindi natin maintindihan kung ano ang tunay na pakay ng mga tao at grupong nagpapakalat ng mga peke o maling balita pati na sa AI-generated content online.

May buting magagawa ba ang mga ganitong gawain sa dami ng ating mga problema na nagpapahirap sa mga kababayan natin?

Bakit kaya nila gustong sirain ang imahe ng Bureau of Customs (BOC) na pinamumunuan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno?

Alam naman ng lahat na nandiyan ang mga taga-BOC para mangolekta ng buwis at taripa upang magamit ng gobyerno na tustusan ang mga proyekto at programa na magpapaunlad sa mamamayan at bayan.

Ang kailangan ng ahensya na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF) ay tulong ng publiko para magampanan nito ng mahusay ang kanilang mga trabaho.

Hindi kailangan nina Commissioner Nepomuceno ang mga “distractions,” na kagaya ng pagpapakalat ng mga maling impormasyon.

Sa tingin natin ay parte ito ng isang “grand conspiracy” para isabotahe ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Ayaw ng mga tao o grupong ito na magtagumpay ang gobyerno ni Pangulong Marcos sa kanyang misyon na paunlarin ang Pilipinas.

Hindi simpleng panloloko ito sa BOC. Mas malalim ang dahilan kung bakit tinatangka nilang sirain ang imahe ng nasabing ahensya.

Kaya tama lang ang ginagawang imbestigasyon nina Commissioner Nepomuceno para malaman kung sinu-sino ang mga nagpapakalat ng mga mapanlinlang na balita.

At dapat kaagad na pinabubulaanan ng mga taga-gobyerno ang mga maling impormasyong kumakalat sa social media.

Mabilis kumalat ang balita ngayon dahil lahat yata ng mga Pinoy ay may kanya-kanyang gadget na. Pati nga mga bata ay marunong ng mag-celfon.

At dapat sa social media din agad magpaliwanag ang mga taga-gobyerno, kasama na ang men and women in BOC uniform, dahil bibihira na ang nagbabasa ng diyaryo, nakikinig ng radyo at nanonood ng telebisyon.

Titindi pa ang pagpapakalat ng mga peke at maling balita at impormasyon habang papalapit ang 2028 presidential elections.

Pinaghahandaan na ito ng mga kalaban at kritiko ng administrasyong Marcos.

Ang balita oa nga, tinutustusan daw ang mga propaganda laban sa administrasyon ng bansang China.

Huwag naman sana!

***

Dahil papalapit na ang 2028 national and local elections ay siguradong mag-iipon na ang mga kakandidato ng kani-kanilang poll campaign fund.

Kaya dapat maging alerto ang Bureau of Customs (BOC) dahil baka pumasok sa “smuggling business” ang ibang kandidato.

Alam nila na madaling magkapera kung makapagpasok sila ng mga kontrabando sa bansa.

Mahirap kasing makalusot ang mga kontrabando, na kagaya ng mga sigarilyo at produktong agrikultura, sa mga ports of entry.

Sa tingin natin, baka sa mga maliliit na isla nila padadaanin ang mga puslit na produkto dahil hindi kayang bantayan ng mga otoridad ang mga ito.

Kaya ang mangyayari ay outright smuggling kesa technical smuggling.

Dito dapat tumulong ang mga opisyal at kawani ng mga barangay para masawata ang outright smuggling.

***

Sa nakikita natin sa social media, mga politiko ang laging uma-attend sa mga barangay at town fiesta ngayon sa iba’t-ibang parte ng bansa.

Kung anu-anong gimik ang ginagawa ng mga ito. Nandiyang kumakanta, sumasayaw at sumasali sa mga palaro.

Okay lang ang mga ito kasi napapasaya nila ang buong barangay.

Sa totoo lang, tuwang-tuwa ang lahat dahil nagiging matulungin at magagalang na naman ang mga lokal na politiko.

Hindi na ito nakakapagtaka dahil kailangan nila ang boto ng mga kababayan nila sa darating na November 2, 2026 barangay at SK elections.