Calendar
MMDA gagamit na ng body cam
GAGAMIT na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng body camera na susuporta sa implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa pamamagitan ng pagbuo ng Swift Traffic Action Group (STAG)
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, bahagi ito ng pagpapatuloy nila ng paggamit ng makabagong teknolohiya na tutugon sa mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko at mabawasan ang direktang komprontasyon sa pagitan ng motorista at traffic enforcers sa isinasagawang road clearing operations.
Una munang ipatutupad ito sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila at mga Mabuhay Lanes bago tuluyang palawawakin kapag naaprobahan na ang pagbabawal sa pagparada ng sasakyan sa mga lansangan.
Pamumunuan ni Traffic Operations Officer IV Edison “Bong” Nebrija ang STAG kung saan naka-link ang suot nilang body camera sa MMDA Communications and Command Center upang matiyak ang real-time na monitoring at dokumentasyon sa bawa’t operasyon.
Sinabi ni Artes na sumailalim sa komprehensibong pagsasanay ang lahat ng miyembr ng STAG para sa wastong paggamit ng body camera at upang matiyak ang transparency at accuracy, ipapatupad ang buddy system sa bawa’t road clearing operations.
Pangungunahan muna ng STAG ang anti-illegal parking operations at pagkatapos ng isang linggo, susuriin naman ito ng Special Operations Group – Task Force for Road Clearing (SOG-TFRC) na pinamumunuan ni Traffic Operations Officer III Gabriel Go, upang matiyak na mapapanatili ang pagpapaluwag sa lansangan.

