Computer Source: File photo

Computer store nilooban ng 2 ex-empleyado, mga suspek huli

227 Views

ARESTADO ng mga pulis ang dalawang lalaki na umano’y dating empleyado ng pinagnakawang computer store sa Quezon City, ayon sa ulat.

Kinilala ni P/Col Randy Glenn Silvio, acting director ng Quezon City Police District (QCPD), ang mga nadakip na sina alyas Carlo, 28; at Lorenz, 32.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Gemmer Tubiera, hepe ng Police Station 16, bandang alas-12:51 ng hatinggabi noong Setyembre 8, pinasok ng mga suspek ang Easy PC Fairview Store sa Yaya Dub Apartelle, Quirino Highway, Brgy. Greater Lagro, Quezon City.

Hinintay muna umano ng mga suspek ang pagsasara ng tindahan bago nila ito pinasok sa pamamagitan ng pagbukas ng padlock gamit ang ekstrang susi.

Pagdating sa loob, dinidiskonekta pa ng mga suspek ang CCTV system para hindi makunan ang ginawa nilang pagtangay sa iba’t-ibang computer laptop at parts na nagkakahalaga ng P556,210 at P374,785 cash.

Subalit sa ginawang backtracking ng mga awtoridad sa CCTV sa lugar, nabisto din ang mga suspek na mga dating empleyado ng establisyimento.

Narekober sa mga suspek ang P274,000 cash at ilang computer laptop at parts.

Mahaharap sa kasong robbery ang mga naarestong suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.