Calendar
Model natagpuang patay sa kuwarto ng ex-dyowa
NATAGPUANG wala ng buhay ang isang 23-anyos na freelance model sa kuwarto ng kaniyang dating boyfriend nitong Lunes ng umaga sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na dalagang residente ng Barangay Katipunan, Quezon City.
Sa ulat ng La Loma Police Station 1 ng Quezon City Police District (QCPD), alas- 8:30 ng umaga ng Nobyembre 17 nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng isang bahay sa Brgy. Apolonio Samson, Quezon City, na pag-aari umano ng dating kasintahan ng dalaga.
Batay sa report, tatlong araw na umano ang dalaga sa bahay ng dati niyang boyfriend.
Nitong Lunes ay nagising umano ang ex-boyfriend ng dalaga at napansin niyang hindi na gumagalaw ang biktima na katabi niya sa kama.
Agad umano niyang sinuri ang katawan ng biktima ngunit hindi na umano ito gumagalaw kaya agad niyang isinugod sa Quezon City General Hospital, subalit idineklara na itong dead on arrival dahil umano sa cardiorespiratory distress.
Lumalabas na ang biktima at ang kaniyang dating boyfriend ay naging magkasintahan ng halos tatlong taon.
Samantala, mababasa sa social media post ng mga kaibigan ng nasabing modelo ang paghingi nila ng hustisya upang malaman ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng dalaga.
Sa kasalukuyan ay isinasailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima upang matukoy ang sanhi ng kamatayan nito.

