CAAP Jun I. Legaspi Reporter, People’s Tonight

Modernization ng NAIA tinalakay ng CAAP NNIC

88 Views

NAKIPAGPULONG ang mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa New NAIA Infra Corp (NNIC), ang bagong operator ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), upang talakayin ang modernisasyon na naglalayong i-revitalize at iangat ang pangunahing paliparan ng bansa sa pandaigdigang pamantayan.

Tinalakay ng mga opisyal ng CAAP at NNIC ang mga kritikal na operasyon ng paliparan at mga proyektong pang-imprastraktura kabilang ang mga pagsasaayos sa mga taxiway, mga sistema ng panahon at ilaw, at mga pasilidad ng air traffic control.

Naniniwala ang ahensya na mahalaga ito upang matiyak ang mas maayos na operasyon at mapataas ang bilang ng galaw ng mga eroplano sa NAIA.

Bukod dito, inalam din ng dalawang ahensya ang mga potensyal na kolaborasyon patungkol sa pag-develop ng human capital upang tugunan ang lumalaking pangangailangan ng bansa para sa mga propesyonal sa air navigation at mga emergency service staff.

Nangako naman ang pribadong konsorsyum ng suporta sa malawakang mga programang pagsasanay ng CAAP para sa mga personnel ng Air Traffic Service (ATS) at Air Navigation Service (ANS) upang matiyak ang tuloy-tuloy na supply ng mga kwalipikado, may kasanayan, at bihasang controllers at air navigation personnel.

Nangako rin ang NNIC na tutulong sa pagsasaayos ng Civil Aviation Training Center (CATC) sa Merville, Pasay City.

Kasama sa mga renovation ang pag-upgrade ng mga pasilidad sa pagsasanay, kabilang ang pagbili ng mga bagong tower simulators.

Higit pa rito, kinilala ng CAAP at NNIC ang pangangailangan na i-upgrade ang Aerodrome Rescue and Fire Fighting (ARFF) training facilities at firefighting equipment upang mapahusay ang kaligtasan ng paliparan at kahandaan sa mga emerhensiya.

Ang ARFF ay isang mahalagang bahagi ng International Civil Aviation Organization (ICAO) Safety Audit.

Ang pagpapahusay sa kakayahan sa pagsasanay at kagamitan ay magdudulot ng malaking benepisyo sa kabuuang kaligtasan ng aviation sa Pilipinas.

Pinangunahan ng mga opisyal ng CAAP na sina Director General Captain Manuel Antonio L. Tamayo, kasama ang Deputy Director General for Operations na si Captain Edgardo G. Diaz, Deputy Director General for Administration na si Atty. Danjun G. Lucas, at ATS Chief Marlene Singson ang nasabing pulong.

Tiniyak naman ni NNIC President at CEO Ramon S. Ang ng kanilang suporta sa CAAP para sa nalalapit na 59th Conference of Directors General of Civil Aviation Asia and Pacific Regions (DGCA 59) na gaganapin sa Cebu ngayong Oktubre, bilang isa sa platinum sponsors ng naturang event.(Jun I. Legaspi)