Alice Guo

Money laundering vs Alice Guo malaking hakbang sa pagsugpo sa iligal gawain ng POGO

20 Views

TINAWAG ni Senador Sherwin Gatchalian na isang “major breakthrough” ang pagsasampa ng 62 kaso ng money laundering laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo—isang hakbang na, ayon sa kanya, ay malaki ang magiging epekto sa pagsugpo sa mga ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ipinunto ni Gatchalian na ang pagsulong ng kasong ito ay magpapahina sa daloy ng salaping galing sa krimen na nagpapatakbo sa mga operasyon ng POGO.

Binigyang-diin niya na sumasalamin ito sa mariing paninindigan ng Senado na tuldukan ang mga sindikatong sangkot sa ilegal na online gambling.

“Ito ang bunga ng ating maigting na paninindigan sa Senado,” aniya.

Dagdag pa ni Gatchalian, mahalagang pag-ibayuhin pa ng mga tagausig ang kanilang trabaho upang masigurong mananagot ang lahat ng nasa likod ng mga ilegal na aktibidad.

“Hinahamon ko ang ating mga tagausig na palakasin ang mga kaso laban sa lahat ng mga nasa likod ng POGO at tiyaking mananagot sila sa batas,” giit ng senador.

Matatandaang isinailalim sa masusing pagsisiyasat si Mayor Guo mula pa noong 2024, kasunod ng raid sa isang POGO hub sa Bamban na nagbunyag ng presensya ng mga dayuhan at pinaghihinalaang ilegal na operasyon.

Ayon sa mga ulat, konektado umano si Guo sa isang kumpanyang natukoy na iligal na nagpapatakbo sa naturang bayan.

Batay sa imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at National Bureau of Investigation (NBI), ginamit ang mga shell company at offshore accounts upang mailipat ang sampu-sampung milyong piso sa kahina-hinalang paraan, na iniuugnay kay Guo at sa kanyang mga kasamahan.

Matagal nang nananawagan si Gatchalian ng tuluyang pagbabawal sa POGO industry.

Aniya, hindi sapat ang kita mula sa mga ito upang tumbasan ang mga panganib at perwisyong dulot nito sa lipunan—gaya ng kriminalidad, human trafficking, at mga krimeng pinansyal.