MWP

Most Wanted Person nahuli sa Ecija manhunt

Steve A. Gosuico Aug 28, 2024
94 Views

CABANATUAN CITY — Arestado ang isang umano’y notorious na magnanakaw sa isinagawang manhunt operations ng Nueva Ecija police nitong Martes.

Sa ulat kay Nueva Ecija police director Col. Richard V. Caballero, sinabi ni acting police head Major Christopher U. Baluyot na nahuli nila ng kanyang mga tauhan ang suspek na kinilalang si alyas Richard, 35, ng Purok 3, Bgy. Buliran, ng lungsod na ito.

Ang naarestong suspek ay tinaguriang number 9 most wanted person ng lungsod para sa mga kasong kriminal na qualified theft at dalawang bilang ng pagnanakaw sa tatlong lokal na korte sa Cabanatuan City.

Sinabi ni Baluyot na inihain ng mga awtoridad laban sa suspek ang tatlong warrant of arrest na ipinalabas ng Municipal Trial Court in Cities ng Cabanatuan City branch 1 noong Disyembre 1, 2022 para sa pagnanakaw na may inirekomendang piyansang itinakda sa P40,000; ang Cabanatuan City regional trial court branch 24 para sa qualified theft noong Marso 17, 2022 na may piyansang itinakda sa P40,000; at ang MTCC Cabanatuan City Branch 2 noong Oktubre 20, 2022 para sa pagnanakaw na may piyansang itinakda sa P3,000 para sa pansamantalang paglaya ng akusado mula sa pagkakakulong.

Pinuri ni Caballero ang Cabanatuan City police dahil sa “job well done.”

Aniya: “patuloy na binabalaan ng NEPPO ang publiko na huwag maging biktima ng mga magnanakaw na ito at iba pang mga masasamang elemento. Manatiling mapagbantay at manatiling nakikipag-ugnayan sa iyong lokal na pulisya upang makatulong na sugpuin ang anumang kriminalidad.”