CCTV CCTV footage sa pagpaslang kay dating PCSO Board secretary, retired Gen. Wesley Barayuga.

Motibo sa pagpatay sa dating heneral na opisyal ng PCSO ipinagbigay-alam kay Sen. Bong Go

94 Views

IPINAALAM umano kay Sen. Christopher “Bong” Go ang motibo sa pagpaslang kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board secretary, retired Gen. Wesley Barayuga na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Matikas Class of 1983.

Ito ang lumabas sa ikapitong pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes noong Biyernes na nag-iimbestiga sa extrajudicial killings (EJK) na ginawa sa ngalan ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ginamit laban sa mga kalaban sa politika.

Sa pagdinig, inamin ni dating PCSO chair Anselmo Simeon Pinili, isang retired general at kaklase ni Barayuga, na nagsagawa ng imbestigasyon ang kanilang klase upang matukoy ang motibo sa pagpaslang.

Ayon kay Pinili, ang resulta ng imbestigasyon ay ipinagbigay-alam kay Go at dating Chief Presidential Legal Counsel Jesus Melchor Quitain.

Sa pagtatanong ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, isa ring dating police general at miyembro ng PMA Magiting Class of 1970, tinanong nito si Pinili kaugnay ng mga isyu ng PCSO na maaaring nag-udyok upang ipapatay si Barayuga.

Sumentro ang pagtatanong sa hindi pagkakasundo ni Barayuga at ng noon ay PCSO general manager Royina Garma kaugnay ng pagbibigay ng board certificate para sa prangkisa ng Small Town Lottery (STL).

Ang nais umano ni Barayuga ay mabigyan muna ng full board approval ang mga sertipikasyon bago niya ito lagdaan.

Sinabi ni Acop na ang tensyong ito ay mayroong kinalaman sa pagpatay kay Barayuga.

Sa kanyang interpellation, binasa ni Acop ang text message na ipinadala ni Pinili sa misis ni Barayuga matapos ang pagpatay. Nabanggit doon ang isang “privilege communication” ni Pinili, Go at Quitain.

“What were those information that you shared with Quitain and Sen. Bong Go na confidential?” tanong ni Acop, vice chair ng quad comm. “Hindi na confidential ngayon kasi masu-solve na ‘yung kaso.”

Kinumpirma ni Pinili na sinabi kina Go at Quitain ang motibo sa pagpatay. “Yes, your honor. I said this because we have also already known the motive. So I reported this to them,” aniya.

“Alam niyo na kung sino ang may kagagawan. Would that be correct?” tanong ni Acop na sinagot ni Pinili ng “yes, your honor.”

Sunod na tanong ni Acop ay kung bakit itinago ang impormasyon ng mahabang panahon. “Alam ninyo ang totoong nangyari but you never did anything about it. Why? Because of fear, am I correct?” tanong ni Acop.

Sagot ni Pinili, “Partly, your honor.”

“Partly, and which part is not true? Hindi ka makasagot. Anyway, bahala ka na sa iyong mga classmates. Dapat nga nagsasabi ka na ng buong katotohanan dito eh dahil maso-solve na ‘yung pagkamatay ng classmate mo,” sabi naman ni Acop.

Inilarawan ni Pinili si Barayuga na isang opisyal na “simple, modest and honorable man.”

Sa naturang pagdinig, sinabi ni Police Lt. Col. Santie Mendoza na kinontak siya ni Police Col. Edilberto Leonardo, ngayon ay commissioner ng National Police Commission (Napolcom), para ipapatay si Barayuga.

Sinabi ni Mendoza na si Garma ang nagbigay ng P300,000 pambayad para sa pagpatay.

Upang maisagawa ang krimen, sinabi ni Mendoza na kinontak nito si retired Police Cpl. Nelson Mariano upang matulungan siya na makahanap ng killer at ang kanilang nakuha ay si “Loloy.”

Iniugnay umano si Barayuga sa iligal na droga at pinalabas na “special project” kaugnay ng war on drugs ni dating Pangulong Duterte.

Ang pagpatay ay kaugnay umano ng pagtutol ni Barayuga sa pagpapalawig ng operasyon ng STL na hawak ng mga kaklase ni Garma at Leonardo sa Philipipne National Police Academy.

Matatandaan na si Garma ay naiugnay rin sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lord na nakakulong sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016.

Nang isagawa ang pagpatay, si Garma at Leonardo ay kapwa nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group-Davao.