Mendoza

Motorista, pasahero pinag-iingat sa pagpunta sa Bicol dahil sa bagyo

Jun I Legaspi Nov 14, 2024
173 Views

NAGPAALALA ang Land Transportation Office (LTO) sa mga motorista at pasahero na mag-ingat sa pagpunta at pabalik ng Bicol dahil sa bagyong Pepito na sinasabing papasok sa Philippine area of responsibility noong Huwebes.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, nakikipag-ugnayan ang LTO sa Office of Civil Defense kaugnay ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng publiko dahil sa inaasahang bagyo.

Sa isang advisory na inilabas ng LTO, pinayuhan ang lahat ng biyahero na mag-ingat sa paglalakbay dahil sa posibilidad ng masamang epekto ng bagyo sa mga lugar na dadaanan nito.

Pinayuhan din ng LTO ang publiko na manatili sa kanilang mga tahanan at ipagpaliban ang anumang paglalakbay hanggang sa bumuti ang lagay ng panahon, partikular na sa mga kalsadang papunta at pabalik ng Bicol.

“Mahigpit na imomonitor ng LTO ang sitwasyon at magbibigay ng updates kung kinakailangan.

Hinihikayat ang mga motorista at pasahero na unahin ang kaligtasan at manatiling nakatutok sa mga opisyal na ulat ng lagay ng panahon at abiso ng pamahalaan,” nakasaad sa advisory ng LTO.