Calendar

Muleta watershed poprotektahan ng DAR, DA, DENR, DILG
IBA’T-ibang ahensya ng pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Agrarian Reform (DAR), ang nagsama-sama para maprotektahan at mapaunlad ang Muleta watershed sa Bukidnon.
Bahagi ng National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD) ang proyekto at nagsanib-pwersa ang DAR, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA) at Department of the Interior and Local Government (DILG) upang isulong ang kaunlaran sa kanayunan, matiyak ang pangmatagalang balanse sa kalikasan at pag-unlad ng mga pamayanan.
Inilunsad ng mga nasabing ahensya ang Muleta Watershed Convergence Area Development Plan (CADP) noong Agosto 30, 2024—isang limang-taong plano (2023–2027) na naglalaman ng mga hakbang para protektahan, isaayos at paunlarin ang 21,630 ektaryang watershed na sumasakop sa 11 barangay sa Pangantucan.
May kabuuang sakop na 83,884.89 ektarya sa siyam na bayan at isang lungsod sa Bukidnon na nagmumula sa Mt. Kalatungan ang Muleta watershed.
Nagsisilbing patubig at suporta sa malawak na sakahan sa lugar, na isa sa mga pangunahing tagasuplay ng pagkain, ang Muleta River, na sangay ng Pulangui River.
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng watershed, ipinatutupad ng NCI-SRD ng mga pinagsanib na programa upang bigyang-lakas ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) at isulong ang pangangalaga sa kalikasan.
Nasa sentro ng inisyatibong ito ang DAR, na isinasaalang-alang ang tamang paggamit ng lupa bilang bahagi ng kanilang mga patakaran at programa upang mas maging aktibong tagapangalaga ng kalikasan ang mga ARB habang kumikita mula sa pagsasaka.
“Layunin ng DAR ay bigyang-kapangyarihan ang ating mga magsasaka hindi lamang bilang tagapagtanim kundi bilang tagapangalaga rin ng kalikasan. Ang aming gawain dito sa Muleta Watershed ay para sa kinabukasang magkaugnay ang pag-unlad sa agrikultura at ang pangangalaga sa kalikasan,” ayon kay DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) Jammal G. Pangandaman.
Sa pamamagitan ng Muleta Watershed Convergence Area Development Plan, nilalayon ng NCI-SRD ang isang kinabukasan kung saan ang kaunlaran sa kanayunan ay naka-sentro sa tao, pinagsanib ng iba’t-ibang ahensya at maka-kalikasan.
Layunin nitong panatilihin ang watershed bilang buhay na yaman na nagsusustento sa agrikultura, balanse sa kalikasan, at katatagan ng komunidad para sa mga susunod na henerasyon.