Nagnenok ng motor nasakote; kasabwat nakatakas

Bernard Galang Mar 25, 2025
16 Views

CITY OF SAN Fernando, Pampanga–Naaresto ang isang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo sa Brgy. Dau, Mabalacat City, Pampanga kamakailan.

Ipinarada ng biktimang si Rafael Narido, 30, ang motorsiklo niya sa labas ng Mabuti Apartment sa Pineda Subdivision.

Pagkatapos, ninenok umano ng dalawang suspek–isang 42-anyos at 37-anyos–ang motorsiklo at tumakas.

Humingi ng tulong ang biktima sa mga nagpapatrolyang miyembro ng Mabalacat Police Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU).

Nagsagawa ng follow-up operation ang mga opisyal at namataan ang mga suspek na may kinakaladkad na isang motorsiklo.

Naaresto ang isa sa mga suspek habang nakatakas naman ang isa pa.

Hinimok ni Pampanga police director Col. Jay Dimaandal ang publiko na manatiling mapagmatyag at mag-ingat upang maiwasang maging biktima ng krimen.

“Ang matagumpay na operasyon na ito nagpapakita ng aming walang humpay na pangako sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko at pagtataguyod ng panuntunan ng batas,” ani Dimaandal.