Reso

Nakababatang kapatid ni Andres Bonifacio kinilala ang kadakilaan

Edd Reyes Nov 28, 2025
253 Views

KINILALA ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang mahalagang papel ng nakababatang kapatid na babae ng bayaning si Gat. Andres Bonifacio sa nangyaring himagsikan noong taong 1898.

Mayorya ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, sa pangunguna ni Vice Mayor at Presiding Officer Chi Atienza, ang nagpasa ng resolusyong inakda ni Councilor Elmer “Joel” Par na nagkakaloob ng posthumous honor kay Espiridiona “Nonay” Bonifacio-Distrito at pagkilala sa mga angkan ng Bonifacio-Distrito ng Pandacan bago pa ang pagunita sa ika 162-kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio sa Linggo, Nobyembre 30..

Ayon kay Councilor Par, bagama’t tinaguriang “Supremo” at “Ama ng Rebolusyon” si Andres Bonifiacio, nagsilbi namang tahimik na haligi ng himagsikan ang kanyang nakababatang kapatid na si Nonay, na bukod sa naging tagapangalaga ng sikreto ng Katipunan at logistika, siya rin ang nagpapakain at gumagamot sa mga nasusugatang sundalong Pilipino.

“Alam po natin na ang ating Pambansang Bayani ang nagpaliyab sa ating damdamin. Pero ang nagpasiklab po at nag-umpisa ng digmaan, pakikipaglaban, at paghahangad na maging malaya tayo ay ang lahi ng Bonifacio,” sabi pa ni Par.

Hinimok naman ni District 6 Councilor Lou Veloso ang konseho na tingnan ang lahi nina Bonifacio bilang tunay na pamantayan ng serbisyo lalu’t sa panahon aniya ngayon ay iba na ang sistema at iba na ang gusto ng pagsisilbi sa bayan. “Kung titignan natin ngayon, iba na ang mungkahi ng ating kalooban sa pagsisilbi sa bayan,” sabi ni Veloso.

Nais naman ni District 5 Councilor Atty. Jaybee Hizon na isumite ang resolusyon sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) upang matiyak na mabibigyan si Nonay ng wastong pagkilala sa mga aklat ng pambansang kasaysayan lalu na’t siya ang nag-ingat sa tunay na kasaysayan ng pamilya Bonifacio na muntik ng kalimutan bunga ng trahedya at pulitika sa pagkamatay ng kanyang mga kapatid na sina Andres, Procopio, at Troadio.