Nakaw na motor itinulak, nagtutulak tiklo

44 Views

KALABOSO ang lalaking nabuking na carnapped ang motorsiklong itinutulak ng sitahin ng mga pulis sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City noong Linggo.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Randy Glenn Silvio ang suspek na si alyas Gum.

Bandang alas-7:30 ng gabi noong Linggo, napansin ng mga operatiba ng Payatas Bagong Silangan Police Station ang suspek na itinutulak ang Honda motorcycle sa Don Vicente St. malapit sa Filinvest Gate 3.

Nang hingan ng mga dokumento ng motorsiklo, wala itong maipakita kaya dinala sa barangay hall para sa beripikasyon.

Habang isinasagawa ang imbestigasyon, dumating ang may-ari ng motorsiklo at kinilala ito na nawawala habang nasa harap ng computer shop sa M.H. Del Pilar St., Brgy. Bagong Silangan.

Nasa kustodiya na ng PS 13 ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) sa Quezon City Prosecutor’s Office.