ICC

Nakikinig si PBBM sa saloobin ng publiko hinggil sa muling pag-anib sa ICC, ayon sa Palasyo

400 Views

Ni RUTH ABBEY GITA-CARLOS

NAKIKINIG si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa saloobin ng publiko ukol sa muling pag-anib ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), ayon sa Malacañang nitong Martes.

Ito ay matapos ipakita sa resulta ng Tugon ng Masa survey na isinagawa ng OCTA Research noong Abril 22 hanggang 24 na 57 porsiyento ng mga Pilipino ay pabor sa posibleng pagbabalik ng bansa bilang kasaping estado ng ICC.

“Sa ngayon po ay muli, hindi pa po natin napaguusapan iyan. Hindi pa po nababanggit ng Pangulo pero ‘yung ganitong mga sentimyento po ng ating mga kababayan ay dinidinig naman po ng ating Pangulo,” ani Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.

“Pero titingnan po natin sa mga susunod na araw kung ano po ang magiging saloobin ng Pangulo sa pag-rejoin sa ICC,” dagdag pa niya.

Noong Marso 2018, inatasan ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ang pagkalas ng Pilipinas mula sa Rome Statute na lumikha sa ICC, matapos ipagpatuloy ni dating ICC prosecutor Fatou Bensouda ang paunang imbestigasyon kaugnay ng umano’y mga krimeng naganap sa kanyang kampanya kontra iligal na droga.

Pormal na kumalas ang Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019, eksaktong isang taon matapos bawiin ang ratipikasyon sa Rome Statute.

Si Duterte ay kasalukuyang nasa ICC Detention Center sa The Hague, Netherlands.

Siya ay may kinahaharap na arrest warrant mula sa ICC dahil sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan na nag-ugat sa kanyang drug war mula Nobyembre 1, 2011, hanggang Marso 16, 2019.

Noong Hunyo 19, sinabi ni Castro na bukas si Marcos sa mga pag-uusap tungkol sa posibilidad na muling sumali ang Pilipinas sa ICC, sa gitna ng panawagan ng ibang bansa na ibalik ang dating ratipikasyon ng Rome Statute. Philippine News Agency