Isko

Navotas landfill sarado na; Manila sa San Mateo na magtatapon

Edd Reyes Aug 26, 2025
353 Views

HANDA na ang Maynila harapin ang problema sa pagkolekta ng basura dahil sa pagsasara ng Navotas Sanitary Landfill (NSLF) mula noong Martes.

Sa kanyang Facebool live na broadcast, kinumpirma ni Mayor Isko Moreno Domagoso na sumulat sa kanya si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes para ipaalam na sa New San Mateo Sanitary Landfill (NSMSLF) na magtatapon ng basura ang Manila.

“Ngayon, magkakaroon na ng pagbagal. Dahil sa advanced information na nakuha ko, two weeks ago pa tayo naghahanda.

Binigyan ko ng direktiba si Director Kenneth Amurao at Department of Public Services (DPS) na gumawa ng plano kung saan dapat lumaki o lumobo ang dami ng truck na dapat i-provide ng ating contractor ng basura,” sabi ng alkalde.

Magiging mahirap na sa kanilang contractor na makabalik kaagad, hindi lang dahil sa layo ng lugar, kundi sa sasagupaing traffic sa Commonwealth Avenue at ang mahabang pila ng mga trak ng basura sa San Mateo landfill.

“It will cost us money, sad to say, but let me handle that. Alam ko malaki problema natin sa pera. What is important now is yung basura at yung kapakanan ng taumbayan,” sabi niya.

Umapela ang alkalde sa mga opisyal ng barangay, residente, ang mga establisimiento na makipagtulungan at ilabas lamang ang kanilang basura kapag dumating na ang trak.

“Baka lang magkaroon ng delay, kaya ipinakikisuyo ko na kung pupwede, ‘wag muna ilabas ang basura hangga’t hindi dumadating ang truck,” pakiusap niya.